Monday, December 10, 2012

Normal lang!





Normal lang!
REY MARFIL


Normal lamang naman na magkasakit paminsan-minsan si Pangulong Noynoy "PNoy" Aquino dahil sa dami ng trabahong kanyang kailangang gawin.
Hindi isang robot ang Pangulo at nangangailangan maging ang isang makina na magpahinga at mabigyan ng tamang pangangalaga upang patuloy na pakinabangan.
Kailangang maunawaan ng publiko na lubhang nakakapagod ang papel ni Pangulong Aquino dahil talaga namang sandamukal ang kanyang dapat na intindihin at asikasuhin.
Kaya nga hindi na nakakapagtaka kung magkasakit man siya paminsan-minsan at asahan na rin natin na talagang nasasakripisyo ang kanyang kalusugan sa pagharap ng napakaraming mga problema ng bansa.
Tandaan po natin na Ama ang Pangulo ng 94 milyong Pilipino kaya iba't ibang mga aktibidad ang kanyang dapat na suungin.
Ibig sabihin, talagang abalang-abala at malaki ang hamon na kinakaharap ng Pangulo kaya imposibleng makaiwas sa mataas na antas ng matinding pagod.
Sa ganitong sitwasyon, maliwanag ang mga dahilan kung bakit nagkakasakit ang Pangulo paminsan-minsan.
***
Anyway, hindi rin natin masisisi ang administrasyong Aquino sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) na patuloy na iproseso ang mga aplikasyon sa visa ng Chinese nationals na mayroong bagong e-passports kung saan nakalagay ang mapa ng West Philippine Sea at mga islang ina­angkin ng Pilipinas na bahagi ng ating teritoryo.
Layunin nitong makaiwas sa problema dahil na rin sa malaking negatibong epekto sa ekonomiya kung saka-sakaling tatablahin natin ang mga ito.
Dapat lagi tayong kalmado sa pagharap sa China sa pamamagitan ng paghahanap ng diplomatikong solusyon dahil siguradong makakasama sa halip na makabuti kung magiging emosyonal tayo. Maaari namang mapayapang iprotesta ng pamahalaang Pilipinas ang sitwasyon gamit ang legal at diplomatikong pamamaraan.
Kung hindi kasi natin ipoproseso ang kanilang mga aplikasyon, siguradong ganito rin ang gagawin ng pamahalaang Chinese sa mga Pilipinong nangangailangan ng visa sa na­sabing bansa.
Kakayanin ba natin ang negatibong epekto? Alalahanin na lamang ang nangyari sa industriya ng saging na naapektuhan ng krisis noon kung saan hinarang-harang at pilit na hinaha­napan ng butas para pigilang makapasok sa China.
Katulad ng pag-imprenta natin ng mapa ng Pilipinas kung saan makikita rin ang pinag-aawayang mga isla, hindi naman magiging opisyal na pag-aari ng bansa ang kontrobersyal na mga teritoryo. Wala namang basehan ang mapa sa internasyunal na mga batas, lalung-lalo na sa ating soberenya.
Sa ganitong punto, tama ang administrasyong Aquino na ipagpatuloy lamang ang mga hakbang para mapalakas ang ating kakayahang militar upang makapaghanda sa mga susunod na panggigipit sa hinaharap.
Bilang pangkalahatang alituntunin sa diplomasya, nega­tibong resulta ang aanihin kung magpapakita tayo ng kagaspangan.
Hindi naman na kailangang ipahayag pa ang dapat na awtomatikong pagtingin sa pakinabang ng bawat isa bilang prayoridad na opsyon.
Ngunit talagang hindi tamang magsisimula ang Pilipinas ng hindi magandang solusyon sa pagharap sa problema.
Dapat manatili tayo sa mapayapang negosasyon sa pamamagitan ng multilateral agreements kung saan kailangan ang pakikisangkot ng ibang mga bansa sa pagresolba ng krisis.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: