Walang patawad?
Isang imbestigasyon ang ginagawa ngayon ng Commission on Audit (COA) at Department of Agrarian Reform (DAR) kaugnay sa proyektong ipinatupad sa Masantol, Pampanga na pinondohan mula sa kita ng Malampaya gas sa Palawan.
Ang Malampaya gas ay pinagmiminahan ng natural gas na nagpapasok ng malaking kita sa gobyerno sa pamamagitan ng parte sa mga kumpanyang nakikinabang sa mina.
Sa lumabas na mga naunang ulat, sinabing batay sa isang report ng COA, umabot sa P23.6 bilyon ang pinakawalan mula sa Malampaya funds magmula 2002 hanggang 2010.
Ang naturang pondo ay sinasabing ginamit sa iba’t ibang programa ng pamahalaan, tulad ng pagpapahusay sa agrikultura, pagtulong sa mga sinalanta ng kalamidad, paghahanap ng iba pang minang langis, pagpapailalim sa mga barangay at kung anu-ano pa.
Kung pupunahin, ang panahong nabanggit ay pasok sa ilalim ng pamamahala ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. At ang iniimbitahang posibleng anomalya sa agricultural project ay mula sa lalawigan ng dating pangulo sa Pampanga.
Ang iniimbestigahang posibleng katiwalian ay naganap umano noong 2009, na ang lider pa ng bansa ay si Mrs. Arroyo. Ang halagang sinasabing sangkot sa kontrobersya ay umaabot sa P89.2 milyon.
Batay sa paunang impormasyon mula sa isinasagawang imbestigasyon ng COA, namudmod ng agricultural packages na nagkakahalaga ng tig-P35,781 ang bawat isa ang DAR na ipinadaan sa Kaupdanan para sa Mangunguma Foundation Inc. (KMFI).
Ang naturang agri packages ay ipinamigay daw sa may 2,500 na magsasaka sa Masantol, na batay sa mga naglabasang ulat sa telebisyon ay “pangingisda” ang pangunahing ikinabubuhay ng mga tao.
Kung pangingisda ang ikinabubuhay ng mga tao sa lugar, bakit sila bibigyan ng mga gamit pangsaka? Pero lumabas sa mga ulat na may mga taong nakalagay sa mga tumanggap ng gamit ay hindi naman talaga tumanggap ng gamit, bagkus ay pineke ang kanilang pirma para palitawin na naipatupad ang proyekto.
***
Napag-usapan ang pondo, lumabas din na mayroong mga nakapirmang tumanggap ng proyekto na matagal nang patay. ‘Ika nga ni Mang Gusting -- kung matatawag na “ghost project” ang proyektong ito ng pamamahagi ng agricultural packages na ito, pasok na pasok ito dahil mayroong element ng multo dahil napirma ang taong patay na.
Hindi biro ang pondong sangkot sa kasong ito dahil maraming abono at binhi ang mabibili ng P89.2 milyon para sa tunay na mga magsasaka. At kung totoo na may anomalya dito, hindi na kinilabutan ang may pakana nito, hindi pinatawad kahit ang mga naghihirap na kababayan ni Mrs. Arroyo.
Sa pagkakatuklas ng usaping ito sa DAR, tiyak na maraming makakaalala na naman sa fertilizer fund scam bago ang 2004 presidential election na ang mga kinasangkapan din sa anomalya ay mga naghihikahos nating magsasaka.
Marapat lang na pag-ibayuhin ng COA ang pag-imbestiga at pag-imbentaryo sa iba pang proyekto na ginawa ng dating administrasyon na ginamitan ng Malampaya fund. Malay natin, bagong “tip of the iceberg” ‘ika ang anomalyang ito sa Masantol.
Dapat ding hayaan at hindi kasuhan ang mga magsasaka na inilagay na beneficiary ng proyekto na pineke ang pirma. Hindi rin siguro kailangang dikdikin ang mga magsasaka na tumanggap ng pera at hindi gamit dahil tiyak na naloko rin lang sila. Ang dapat habulin ay ang opisyal na at mga pinuno ng grupo na may pakana ng kalokohan. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment