Sabay-sabay bumangon! | |
REY MARFIL
Dalawang dagok ang sinapit ng ating bayan ngayong buwan. Una, ang trahedyang iniwan ng bagyong "Pablo", at ikalawa ang masaklap na pagkatalo ng ating boxing hero na si Manny Pacquiao.
Sa sitwasyong ito, muli na namang sinusubok ng tadhana ang katatagan ng mga Pilipino. Kahit ilang beses na tayong bumangon mula sa trahedya, tila hindi nagsasawa ang "pagsubok" na sukatin ang ating katatagan.
Noong isang taon nga lang, mahigit 1,000 buhay at maraming ari-arian ang napinsala ng bagyong "Sendong" na tumama rin sa Mindanao. Ngayon, umaabot na sa 700 buhay ang kinuha ni "Pablo" at 800 katao pa ang nawawala.
Libu-libong pamilya rin ang naapektuhan ni "Pablo" na inalisan niya ng mga bahay at kabuhayan. Sa tindi ng pinsala sa mga kalsada at tulay, nagiging malaking pagsubok sa ating pamahalaan ang paghahatid ng tulong sa ating mga kababayan.
Kung nanalo sana si Pacquiao, kahit papaano ay magbibigay ito ng ligaya sa sambayanan dahil malaking karangalan na marinig sa buong mundo ang tagumpay ng isang Pilipino. Pero wala tayong magagawa kung higit na mahusay o masuwerte nang araw na iyon si Juan Manuel Marquez ng Mexico.
Pero sa halip na magmukmok at maghanap ng sisisihin, dapat tumugon ang mga Pilipino sa panawagan ni Pangulong Noynoy "PNoy" Aquino na sama-samang kumilos at tumulong sa mga nasalanta ng bagyo.
Si Pacquiao ay mag-isang bumagsak sa laban niya kay Marquez kaya naman nagawa niyang ibangon mag-isa ang sarili sa tinamong kabiguan.
***
Napag-usapan si Pacman, ito'y mag-isang bumagsak kumpara sa tama ni Pablo, as in hindi lang isa, hindi lang isang-daan, hindi lang isang-libo kundi libu-libo na nagmula sa iba't ibang lalawigan gaya ng Davao Oriental, Davao del Norte, Surigao del Sur, Lanao del Norte, Palawan at iba pa.
Sa tindi ng pinsalang dulot ni "Pablo", nagdeklara si PNoy ng state of national calamity para mapag-ibayo pa ang pag-ayuda sa mga biktima at rehabilitasyon sa mga lugar na pininsala ni "Pablo".
Sa kabila ng direktiba ni PNoy na maging pro-active, alerto at aktibo ang pamahalaan sa pagbibigay ng babala sa publiko at paghahanda sa pagtama ni "Pablo", naging malaki pa rin ang pinsalang inabot ng bansa dahil sadyang malakas ang bagyo.
Pero padadaig ba tayo? Ngayon pa ba susuko ang mga Pinoy matapos ang ilang ulit nang kalamidad na dumaan sa bayan? Hindi na ba tayo babangon mula sa hagupit ni "Pablo"?
Aminado ang pamahalaan na sa lawak ng pinsala ng bagyo ay magiging malaking bagay ang anumang maitutulong mula sa ating mga mamamayan. Nanawagan ang gobyerno para sa mga boluntaryong maghahanda ng mga relief goods, sasama sa paghahanap sa mga nawawala, mga doktor na gagamot sa mga sugatan, at maging sasakyan tulad ng helicopter na maghahatid ng tulong sa mga sinalanta.
Ginagawa ng pamahalaang Aquino ang lahat para matulungan ang mga biktima na malampasan ang trahedyang ito. Nakahanda na ang pagsasaayos ng mga nasirang kalsada at tulay, at maging ang mga nasirang kabuhayan ng mga tao sa agrikultura.
Ang inaasam nating pagbangon ng bayan ay higit na mapapadali kung tutulong ang lahat. 'Ika nga, walang imposible, kung sama-sama.
Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)
|
Monday, December 17, 2012
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment