Monday, December 24, 2012

Walang duda!



Walang duda!
REY MARFIL




Inaasahan na mananatiling napakataas ang performance at trust ratings ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino base sa inilabas na Ulat ng Bayan survey ng Pulse Asia sa huling tatlong buwan ng taon dahil sa malinis at matuwid na pamamahala nito.
Sa Ulat ng Bayan survey ng Pulse Asia na isinagawa mula Nobyembre 23 hanggang 29, lumabas na tumaas pa ang trust rating at napanatili ang malawak na suporta kay PNoy.
Hindi nagbago ang performance approval rating ni PNoy na nanatiling +78 katulad noong ikatlong quarter ng taon habang tumaas naman ng dalawang puntos ang kanyang trust approval rating na umabot ngayon ng +80.
Pambihira at makasaysayan ang napakataas na ra­tings ng dalawa at kalahating taon sapul nang manungkulan ang administrasyong Aquino na patunay lamang ng patuloy na malawak na suporta ng publiko sa Pangulo dahil sa makatotohanang mga repormang ipinatupad at ipinapatupad nito.
Matagumpay ang Pangulo sa pagpapakilala ng pa­nibagong uri ng malinis na pamamahala na hinaha­ngaan maging ng internasyunal na komunidad kaya naman sumulong nang husto ang ekonomiya ng bansa, patunay ang kaliwa’t kanang imbitasyon ng mga dayuhang negosyante at world leader para magsilbing guest speaker.
Asahan pa natin ang lalong pagsusumikap ng admi­nistrasyong Aquino para magkaroon ng mas maganda at mahusay na resulta na pakikinabangan ng publiko, partikular ang pagbibigay ng pinakamahusay na serbisyo ito’y walang halong pambobola, katulad ng nakaugalian sa nakaraang administrasyon.
Sa kabilang banda, mas mahalaga kay PNoy ang resulta ng mga repormang inilalatag sa gobyerno, as in bonus lamang na maituturing ang mataas na gradong nakukuha nito. Take note: hindi kailangan ng Pangulo ang magandang grado lalo pa’t hindi naman reelectionist at mapapaso sa 2016 ang termino nito.
***
Sa mga aksyon ng gobyerno, dapat tapatan ng publiko ng suporta ang kautusan ni PNoy kay Interior and Local Government Sec. Manuel Roxas II na bumuo ng malakas na kaso laban sa mga nasa likod ng operasyon ng iligal na jueteng at kanilang kasapakat at tiyakin ang kaligtasan ng mga saksi.
Kitang-kita naman ang determinasyon ni PNoy na resolbahin ng pamahalaan ang operasyon ng iligal na sugal na jueteng.
Inatasan ng Punong Ehekutibo si Roxas na tiyakin ang kaligtasan ng mga saksi na tetestigo kaugnay sa operasyon ng jueteng at pagkakasangkot umano ni Pangasinan Governor Amado Espino Jr. ito’y agarang pinabulaanan ng huli.
Maganda rin ang ginawang agarang pag-reshuffle ni Roxas ng mga opisyal ng pulis sa Pangasinan para determinahin ang pananagutan ng ilan sa mga ito kung mayroon man para matiyak na walang pagtatakip na mangyayari sa imbestigasyon.
Sa ilalim ng liderato ni PNoy, determinado ang kanyang pamahalaan na magsampa ng mga kaso na lohikal na paraan sa ilalim ng batas at magsilbing mahigpit na babala laban sa mga pampublikong opisyal, operators at kanilang kasapakat na tumigil o ipatitigil ang kanilang operasyon ng jueteng.
Sa naglabasang report, iniugnay ni Bugallon, Pangasinan Mayor Rodrigo Orduna at Barangay Captain Fernando “Boy Bata” Alimagno si Espino sa umano’y iligal na jueteng kung saan sila ang tumulong dito para patakbuhin ang iligal na sugal sa lalawigan.
Naunang nagsampa ang dalawang pampublikong opis­yal ng kasong pandarambong sa Office of the Ombudsman laban sa gobernador.

Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: