Friday, December 28, 2012

'Wag kang hahatol!



'Wag kang hahatol!
REY MARFIL




Muling ipinakita ni Pangulong Noynoy "PNoy" Aquino ang kanyang political will sa pagpasa ng Sin Tax bill sa Kongreso na masugid na isinusulong ng kanyang pamahalaan.
Panibagong malaking reporma na naman ito para makalikom ng buwis ang pamahalaan na magagamit para pangalagaan ang kalusugan ng publiko.
Ipinantay din ng Sin Tax bill ang laban sa industriya ng tabako upang maging parehas ang buwis sa lahat ng mga kumpanya.
Tama ang papuri at paghangang ibinigay ng administrasyong Aquino sa mga liderato nina Senator Franklin M. Drilon, Speaker Feliciano Belmonte, Jr., House Majority Floor Leader at Mandaluyong City Rep. Neptali "Boyet" Gonzales II, at Davao City Rep. Isidro Ungab sa pagsusulong ng panukalang batas.
Hindi ba't kapuri-puri ang determinasyon at paninindigan ng pamahalaan na maisulong ang ganitong krusyal na reporma sa bansa.
***
Napag-usapan ang determinasyon, kahanga-ha­nga rin ang desisyon ni PNoy na sertipikahang urgent measure ang Reproductive Health (RH) bill sa kabila ng mahigpit na pagtutol ng maimpluwensyang Simbahang Katolika.
Nais lamang naman ni PNoy na maturuan ang bawat pamilyang Pilipino na magkaroon ng responsableng pagpapamilya para maiiwas sila sa kahirapan, kabaligtaran sa paglilihis ng ilang kritiko at kontra sa bagong batas.
Malinaw ang paninindigan ni PNoy at naka­tulong ang kautusan para maipasa ng Kamara de Representantes at Senado ang RH bill sa ikatlo at huling pagbasa bago nagbakasyon ang mga ito.
Ang nakakalungkot lamang, ilang alagad ng Simbahan ang umaaktong tagahatol, sa pamamagitan ng pagbibigay ng kung anu-anong katawagan o name calling sa mga senador at kongresistang pumabor sa RH bill. 'Ika nga ni Mang Gus­ting, malinaw ang nakapaloob sa Bibliya: "'Wag kang hahatol kung ayaw mong hatulan."
Nahirapan ang mga kritiko ng panukala na baligtarin ang 113 kontra 104 at tatlong abstention na botohan na nangyari sa Kamara de Representantes nang ipasa ang panukala sa ikalawang pagbasa, as in binago ng sertipikasyon ng panukala ang takbo ng labanan.
Kauna-unahan sa nakalipas na 15 taon na naipasa ng Kamara de Representantes ang panukala sa ikalawa at huling pagbasa sa ilalim ng compromise version o substitute measure na House Bill (HB) No. 4244 o An Act Providing for a Comprehensive Policy on Responsible Parenthood, Reproductive Health and Po­pulation and Development.
Malinaw naman na walang aborsyon sa panukala at isinusulong lamang nito ang paggamit ng ligtas, mura at nararapat na contraceptives na ibibigay ng pamahalaan nang libre sa mga mahihirap na komunidad kaya't hindi nakakapagtakang naisabatas ito.
Ngayong ganap nang isang batas at meron nakalaang pondo sa responsible parenthood, asahang mababawasan ang pasanin o gastusin ng gobyerno sa pagpapatayo ng mga eskuwelahan, pabahay sa mahihirap at iba pang serbisyo. 

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: