Sadyang may tigasin! | |
Hindi napigilan maging ng United Nations (UN) Office for Disaster Risk Management (UNISDR) na purihin ang pinagbuting sistema ng pagbibigay ng babala na ipinatupad ni Pangulong Noynoy "PNoy" Aquino na nakapagsalba ng maraming buhay matapos bayuhin ang bansa ng bagyong Pablo.
Kung hindi ito naipatupad, tama ang UNISDR sa pagsasabing mas maraming buhay ang malalagas at mas malala ang pinsala. Tanging problema lamang, marami pa ring matitigas ang ulo, hindi lamang sa usapin ng paglilikas kundi sa illegal mining at illegal logging.
Bagama't hindi ngayon ang oras para magturuan at magsisihan, katulad ng pahayag ni PNoy, masakit ang katotohanang tila excited pang makaranas ng bagyo ang ilang residente ng Mindanao kaya't nagbilang ng patay sa Compostela Valley at ilan pang karatig barangay.
Tinukoy ni Jerry Velazquez, pinuno ng tanggapan sa Asya, ang bagong "automated rainfall" at "flood predictions systems" na sobrang nakatulong sa pagtaya ng lagay ng panahon at naging madali ang agarang pagbibigay ng babala sa publiko kaugnay sa paparating na mga panganib.
Bahagi ang sistemang ito ng Project NOAH o Nationwide Operational Assessment of Hazards na inilunsad ng pamahalaan sa maagang bahagi ng taon na kinabibilangan din ng pagbibigay ng babala sa telebisyon at Internet.
Kaya naman naging agresibo ang iba't ibang mga ahensya ng pamahalaan, lokal na mga pamahalaan at mga tao para makapaghanda bago pa man dumating ang banta sa kanilang seguridad. Labis itong importante lalo't tumatama sa bansa ang 20 bagyo bawat taon.
Asahan na nating mas maraming buhay ang maisasalba at maiiwasan ang mas maraming pagkasira sa susunod na taon kung saan buung-buo nang maipatutupad ang programang NOAH ng Pangulo.
Bahagi pa rin ito ng matino at malinis na pamamahala ni Pangulong Aquino sa kanyang matuwid na daan na hindi lamang nagbalik sa tiwala ng mga negosyante na mamuhunan sa bansa para umunlad ang ekonomiya kundi maging ang pagsasalba ng maraming mga buhay.
***
Napag-usapan ang bagyo, tama ang pamahalaan sa plano nitong sampahan ng kaso ang nagpabayang mga lokal na opisyal matapos ang mapinsalang pagbayo ng bagyong Pablo sa Mindanao na nagresulta sa pagkamatay ng mga tao.
Inatasan na ni PNoy ang Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Justice (DOJ) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) na imbestigahan ang pinsalang dulot ng bagyo para papanagutin ang mga biktima ng bagyo at maiwasan ang pagkalagas ng mga buhay sa darating na panahon.
Suportahan natin ang hakbang ng pamahalaan na papanagutin ang mga nagkulang at nagkasala kahit ano pa man ang koneksyon nila.
Malinaw naman na layunin ng imbestigasyon na maiwasan kung hindi man ganap na mapigilan ang pagkalagas ng buhay sa panahon ng sakuna at mga trahedya.
Malinaw na kitang-kita ang pagsusumikap ng pamahalaan para tulungan ang mga biktima na makabangon muli at maiwasan ang pagkalat ng mga sakit sa evacuAtion centers kaya naman dapat tapatan ito ng kooperasyon ng lahat, lalung-lalo na ng mga tao.
Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment