Monday, November 19, 2012

Lumilinaw!




Lumilinaw!
REY MARFIL


Hindi ba't kapuri-puri ang paninindigan ni Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino na matulungan ang isang overseas Filipino worker (OFW), kabilang ang legal na ayuda kaugnay sa pagkakasangkot nito sa pagsabog ng isang tanker na ikinamatay ng 23-katao sa Riyadh, Saudi Arabia.
Pinamumunuan ni Foreign Affairs Sec. Albert Del Rosario ang pagtulong sa ating kababayan sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa pamahalaan ng Saudi para imbestigahan ang malagim na pangyayari.
Sa kaso naman ng isang Pinay sa Vietnam na kinasuhan ng drug trafficking at nahaharap ngayon sa parusang kamatayan, aapela mismo ang Pangulo kay Vietnam Premiere Ngu­yen Tan Dung para maibaba ang magiging sentensya dito.
Kinilala naman ang naipit na tsuper ng tanker na si R­obin Kebeng na nagtatrabaho sa Kingdom of Saudi Arabia sa loob ng halos isang taon. Sinasabing nasa kustodiya na ito ngayon ng Criminal Investigation Office (CIO) sa Riyadh.
Natukoy naman ang Pinay sa Vietnam na si Amodia Te­resita Palacio, 61-anyos, na naaresto sa Hanoi airport dahil sa pag-iingat ng shabu.
Bagama't ga-hibla ang tsansang mapagbigyan, masidhi ang pagsusumikap at hindi nagpapabaya ang Pangulo para matulungan ang OFWs na nahaharap sa iba't ibang problema sa ibang bansa.
***
Napag-uusapan ang aksyon, malinaw na resulta ng matuwid na daan ni PNoy ang patuloy na pagbuti ng implasyon sa bansa kung saan kontrolado ang presyo ng mga produkto at serbisyo.
Pinagsusumikapan naman kasi ng husto ni Pangulong Aquino ang pagkamit sa parehas at maunlad na paglago ng ekonomiya na pakikinabangan ng lahat at upang maitaas ang kalagayan sa pamumuhuay ng mga Pilipino.
Base sa inflation rate nitong nakalipas na Oktubre, naitala lamang ang 3.1% na mas mababa kumpara sa 3.6% noong Setyembre at 3.8% noong Agosto ng kasalukuyang taon.
Ito ang pinakamababa sa nakalipas na apat na buwan sa usapin ng consumer price index at mababa kumpara sa implasyon ng parehong buwan noong nakalipas na taon na pumalo sa 5.2%.
Bumuti rin ang taunang inflation rate sa National Capital Region na naitala sa 2.9% nitong Oktubre mula 3.5% noong Setyembre at nakapagtala rin ng mababang inflation rate ang 10 iba pang mga rehiyon sa bansa.
Dahil dito, naitala ng Pilipinas ang pinakamababang inflation rate sa buong rehiyon ng Timog-Silangang Asya.
Sa buwan ng Oktubre, nakapagtala kasi ang Vietnam ng 7% habang 4.61% ang Indonesia at 3.32% ang Thailand.
Hindi lumampas ang inflation rate ng bansa sa itinakdang 3-5% ng Philippine Development Plan para sa 2011-2016 na sumabay sa mataas na kumpiyansa ng mga mamimili at mataas sa kasaysayan ng pag-arangkada ng Philippine Stock Exchange Index.
Talaga namang nagreresulta sa magandang ekonomiya ang mabuti at malinis na pamamahala. At lalo pang lumilinaw ngayon ang mga katibayan sa pag-asenso ng kabuhayan ng ating mga kababayan.
Kitang-kita naman natin ito sa napakataas at hindi matatawarang tiwala, pagkasiya at suporta ng mayorya ng mga Pilipino sa Pangulo at kanyang administrasyon.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

1 comment:

Unknown said...

hindi na dapat tinataguyod ng ating gobyerno ang mga Filipinong gumagawa ng krimen sa ibang bansa. Mapa gobyerno man ni Pnoy o sino mang presidente. Kung nagkaslaa sa ibang bansa lalong lalo na kung tungkol sa droga di na dapat magpakababa ang ating pamahalaan para lamang mabigyan ng kapatawaran ang isang "drug mule"... Mali as in mali ang ganitong pag-iisip ng ating pamahalaan. dapat pa nga diyan ay bitayin na at wag pamarisan. Sa gagawin ni Pnoy na makikiusap sa bansang Vietnam, ay siya mas lalong dadami ang mag tutulak ng droga, kinukunsinti kasi ng ating pamahalaan.