'Di garantiya! | |
Sa nakalipas na mga linggo, ilang kaso ng karumal-dumal na krimen ang iniulat ng media. Dahil sa mga brutal na paraan ng pagpatay, muling nabuhay ang panawagan na ibalik ang parusang kamatayan sa mga akusadong masasangkot sa mga karumal-dumal na krimen.
Ngunit ang tanong, handa na ba ang lipunan at sistema ng hustisya na umangkin ng buhay ng iba? Ika nga, panahon na bang gamitin ang kasabihang "mata sa mata, ngipin sa ngipin?" na kapag buhay ang inutang, buhay din ang kabayaran?
Si Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino, naniniwalang hindi pa handa ang sistema ng hustisya sa bansa para ibalik ang parusang kamatayan. Dahil may mga butas pa at hindi perpekto ang sistema ng hustisya, may posibilidad na mahatulan ng kamatayan ang isang inosenteng akusado.
Kung mabibitay ang isang inosenteng akusado dahil hindi mahusay ang kanyang naging abogado, hindi na maibabalik ang kanyang buhay. Ang kalalabasan nito ay pagkakamali na dulot ng isa pang pagkakamali.
Nang panahon na ipatupad ang parusang kamatayan, ang intensyon nito'y magsilbing babala o "deterrent" sa mga taong gagawa ng karumal-dumal na krimen. Inaakalang magdadalawang-isip na gumawa ng karumal-dumal na krimen ang mga kriminal pero hindi ito nangyari bagkus lalo pang dumami ang krimen.
Patuloy na dumami ang mga karumal-dumal na krimen, at humaba lang ang pila sa death row, animo'y hinahamon ang batas at sinusukat ng mga kriminal ang tapang ng pamahalaan.
Para kay PNoy, mas makabubuti sa ngayon na pahusayin ang sistema ng hustisya at kapulisan.
Magsisimula ito sa pagpapaigting ng kampanya at mga programa na mapigilan ang krimen; kung nangyari na ang krimen, mahuli ang mga may sala; at kapag mahuli ay mausig sa korte at mahatulan.
***
Sa ngayon, pinaigting ng liderato ng Philippine National Police (PNP) ang police visibility sa maraming lugar. Naglagay na rin ng mga CCTV camera at pinahuhusay ang mga gamit ng mga awtoridad para sa pagbabantay sa mga tao at pagtugis sa mga inuusig ng batas.
Noong nakaraang mga linggo, ilang krimen ang hindi napigilang maganap. Gayunpaman, ipinakita ng pulisya na magbabayad ang mga nagkasala sa pamamagitan ng paghuli sa mga suspek.
Kabilang sa mga kaso na mabilis na nalutas at nadakip agad ang mga suspek ay ang karumal-dumal na pagpatay sa UST student na si Cyrish Magalang sa Cavite; ang pagpatay at paggahasa sa model na si Julie Ann Rodelas; ang pagpatay ng isang pulis sa kanyang kinakasama na si Kylie Ann Barocca; at maging ang pagpatay sa mag-inang Teresita at Evelyn Tan, at kasambahay nila sa Maynila.
Pinaka-latest ang mabilis na pagkaaresto at pagbasa ng sakdal sa magboypren (Fernando Quimbao Jr. at Althea Altamirano) na itinuturong mastermind sa pagpaslang sa dating talent ng ABS-CBN at modelo (Jaja Rodelas) isang patunay na epektibo ang matalinong imbestigasyon ng pulisya kung kaya't nagresolba ang kaso, sa pamamagitan ng ebidensyang (resibo) nakuha sa biktima.
Sa kabuuan, hindi lang dapat ipaubaya ng mamamayan sa pamahalaan at pulisya ang paglaban sa kriminalidad. Dapat magkaisa ang publiko sa pagbabantay at pagiging mapagmatyag sa mga taong may masamang hangarin.
Ang tunay at pinakamabisang "deterrent" o panakot sa mga kriminal ay maipakitang nagkakaisa ang mamamayan kontra kriminalidad.
Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment