Nakamamatay! | |
Sa isang pagtitipon ng World Bank na dinaluhan ng sikat na singer na si Bono ng U2, idineklara niya na ang korupsyon ay "biggest killer" sa mundo.
Kabilang si Bono sa nagtatag ng anti-poverty ONE campaign na naglalayong matulungan ang mga naghihikahos sa mundo. Panawagan niya, transparency sa harap ng tinatawag na "fiscal cliff" sa budget ng Amerika.
Bunga ng tumataas na budget deficit ng US, inaasahan na magbabawas ng gastusin ang Amerika, kasama na ang pagbabawas ng ayuda sa mga programang makatutulong sa mga naghihikahos na bansa.
Simple lang kung tutuusin ang nais ipunto ni Bono, kailangan ang maaayos na paggamit ng pondo. May mga lugar sa mundo na halos wala nang makain ang tao kaya binibigyan ng ayuda ng Amerika.
Kung hindi nga naman maaayos ang programa at sa bulsa ng mga tiwaling opisyal babagsak ang pondo na para sana sa mahihirap, asahan na walang makakain ang mga mahihirap at mamamatay.
***
Napag-uusapan ang mga punto ni Bono ito rin ang problemang nais na resolbahin ni Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino na naglalakbay sa paninindigan ng tuwid na daan sa pamamahala.
Nang maupo sa Palasyo si PNoy matapos ang May 2010 elections, nahalungkat ang umano'y malalim na pagkakabaon ng katiwalian na sinasabing iniwan ng nagdaaang liderato.
Sa nangyaring sakuna sa sinakyang eroplano ng nasirang DILG Secretary Jesse Rodredo, sadyang naging malinaw ang ipinunto ni Bono na nakamamatay ang katiwalian.
Lumitaw kasi sa isinagawang imbestigasyon ng Aircraft Accident Inquiry and Investigation Board, na bukod sa pilot error, binigyan ng pekeng clearance ang eroplanong sinakyan ni Sec. Robredo.
Ang paniwala ng pamahalaan, nagkaroon ng lagayan para mabigyan ng clearance na makalipad ang eroplano kahit hindi lubos na nasuri. Isang halimbawa ng katiwalian ang lagayan na ang resulta, pagpanaw ng tatlong katao kabilang ang iginagalang na si Sec. Robredo.
Ang hindi nasunod na tamang proseso sa pagsusuri ng eroplanong sinakyan ni Robredo ay latak ng katiwalian na ibinaon ng nakaraang umanong administrasyon na patuloy na itinutuwid ng gobyernong Aquino.
Isipin na lang natin kung ilan ang posibleng namatay sa mga ghost project, ghost deliveries, mga substandard na proyekto, medisina at kung anu-ano pang programa na hindi nagawa o natapos dahil may nagbulsa ng pondo.
May mga lugar na kailangang isugal ng mga kabataang mag-aaral ang kanilang buhay sa paglangoy o pagsakay sa salbabida para makatawid sa kabilang pampang upang makapasok sa eskwelahan.
Kung tutuusin, maaari namang gawan ng kahit tulay na gawa sa matibay na kawayan at kahoy upang hindi mabasa at malagay sa peligro ang buhay ng mga residente subalit hindi nangyari dahil sa matinding corruption.
Tama si Bono sa kanyang paglalarawan na nakamamatay ang katiwalian at hindi siya nag-iisa sa ganitong pananaw na seryosong tinutugunan ni Pangulong Aquino.
Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment