Monday, November 26, 2012

Walang good gesture!




Walang good gesture!
REY MARFIL



Sa katatapos na ASEAN Summit na ginawa sa Phnom Penh, Cambodia, maliwanag pa sa sikat ng araw ang ipinakitang mensahe ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa iba pang lider ng mga bansang dumalo sa pagtitipon na handa niyang ipaglaban ang karapatan ng Pilipinas sa pinag-aagawang mga teritoryo sa West Philippine Sea at Spratlys.
Sa isang bahagi kasi ng pagtitipon, pinalagan ni PNoy ang naunang pahayag ng Prime Minister ng Cambodia na mayroon nang “consensus” o kasunduan ang 10 kasaping bansa ng ASEAN na lulutasin ang usapin sa mga pinag-aagawang mga teritoryo sa loob ng organisasyon at hindi na ito dadalhin pa sa international forum.
Ang taktikang ito ng Cambodia ay papabor sa dambuhalang bansang China na kaalyado ng Cambodia.
Bukod sa West Philippine Sea, may inaangkin ding teritoryo ang China sa Spratlys kung saan nakakabangga rin nila ang Pilipinas, Malaysia, Brunei at Vietnam.
Mabuti na lang at hindi nagpunta sa comfort room si PNoy nang gawin ng PM ng Cambodia ang naturang pahayag tungkol sa umano’y “consensus” na nabuo sa pulong ng ASEAN. Kung hindi, baka nakalusot ang gustong mangyari ng China na pag-usapan ang problema sa agawan ng mga teritoryo sa paraang “bilateral” o “one-on-one” sa China.
Sa laki ng China, anong magagawa ng isang maliit na bansa gaya ng Pilipinas o Vietnam kung nais nilang pairalin ang kanilang kapangyarihan masunod lang ang gusto nila? Kaya naman ang posisyon dito ni PNoy, panatilihing bukas ang iba pang paraan sa pagresolba sa usapin ng teritoryo gaya ng pagdulog sa mga international forum gaya ng United Nation (UN).
***
Napag-uusapan ang pinag-aagawang teritoryo, sa ilalim ng pandaigdigang kasunduan ng mga bansang kasapi ng UN na kinabibilangan ng Pilipinas, may tinatawag na UN Convention on the Law of the Sea na dapat kilalanin. Bukod pa diyan ang Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea, na kailangan ding igalang.
Kaya naman ang panawagan ni PNoy sa mga nag-aagawang bansa lalo na ang China igalang nito ang Exclusive Economic Zone ng bawat bansa at alisin ang kanilang mga barko sa pinag-aagawang teritoryo.
Gaya na lamang sa Bajo de Masinloc, inalis ng Pilipinas ang mga barko nito sa pinag-aagawang lugar para mabawasan ang tensyon, pero ang China, tatlong barko pa rin ang palutang-lutang doon.
Sa usapin ng negosasyon, dapat magpakita ng tinatawag na “good gesture o good will” ang magkabilang panig para masabing seryoso sila na maayos na maresolba ang problema. Ginawa ng Pilipinas ang parte nito sa pamamagitan ng pag-alis sa mga barko sa Bajo de Masinloc pero ang China, hindi, animo’y ipinagmamalaki ang kanilang puwersa.
Sa inaastang ito ng China bukod sa pagpapadala nila ng sangkatutak na mga mangingisda na gumagahasa sa karagatan sa mga lugar ng pinag-aagawang teritor­yo at pagpapatibay ng mga istruktura sa Spratlys na inaangkin nila papaano pa sila dapat pagkatiwalaan sa gusto nilang sistema na “tayu-tayo” na lang ang mag- usap at huwag nang isali ang iba pang bansa.
Maliit na bansa lang ang Pilipinas, hindi sapat ang mga kagamitan para gumamit ng dahas. Masakit mang tanggapin pero kailangan natin ang tulong ng ibang bansa at pandaigdigang forum gaya ng UN kung kakailangin upang maipaglaban at maigiit natin ang ating karapatan bilang nilalang din sa mundong ito.
Ang ipinakitang posisyon ni PNoy sa naturang pulong kaugnay sa usapin ng teritoryo ay hindi pagsira sa pagkakaisa ng mga bansang kasapi ng ASEAN kung hindi pagpapakita na handa niyang ipaglaban ang interes at karapatan ng mga Pilipino.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: