Monday, November 12, 2012

Makakatulong ka!



Makakatulong ka!
REY MARFIL





May kasabihan na lahat ng bagay na nilikha sa mundo ay may silbi. Kailangan lamang alamin ang silbi nito para magamit pero dapat sa mabuting paraan.
Ganito rin ang mensaheng ipinaabot ni Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino nang dumating siya sa bansa matapos dumalo sa Asia-Europe Meeting o ASEM sa Laos dito ay nakasalamuha ni PNoy ang mahigit 50 mga pinuno mula sa iba't ibang bansa sa Europa at Asya.
Sa biyaheng ito ng Pangulo, may ilang pumuna kay PNoy kung kailangan ba talaga niyang magbibiyahe sa ibang bansa? May mapapala ba raw ang Pilipinas sa mga biyaheng ito? May naghalintulad pa nga kay PNoy kay da­ting Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na madalas daw bumiyahe na wala namang nangyari sa mga biyahe.
Sa totoo lang, foul at below the belt kumbaga sa boksing na ihalintulad si PNoy kay Gloria. Una, 'di naman marami ang biyahe ni PNoy kung tutuusin. Pangalawa, hindi magarbo sa biyahe si PNoy at kaunti lang ang mga kasama kaya tipid sa gastos. At pangatlo, hindi lilipad si PNoy sa ibang bansa kung hindi kailangan.
Lingid sa kaalaman ng marami, hindi mahilig sa biyahe ang ating Pangulo. Kung babalikan natin ang nakaraang mga balita nang nagsisimula pa lang si PNoy na manungkulan bilang Pangulo, makikita dito kailangan pa siyang ikuha ng pasaporte ng kanyang sekretarya.
***
Napag-uusapan ang biyahe, sa ASEM, ikinuwento ng Pangulo na isa sa mga dahilan ng pagdalo niya dito ay matiyak ang kapakanan ng ating mga kababayang nagtatrabaho sa Europa. Batid naman natin na kabilang ang Europe sa mga lugar sa mundo na dumadanas ng financial global crisis.
Isama na diyan ang pagtiyak sa kapakanan ng may 91,000 Pinoy seafarers sa mga European-flagged vessels na baka ma-blacklist sa European Union kung hindi masusunod ang ilang alituntunin na kanilang ipinatutupad.
Partikular na dito ang tinatawag na Standards of Trai­ning, Certification and Watchkeeping, o STCW na ipinatutupad ng European Commission na napabayaang tugunan ng nakaraang administrasyon para sa kapakanan ng mga Pinoy sailors.
Sa pamamagitan ng pakikipag-usap ni PNoy sa mga li­der ng Europa, naipaalam niya na ginagawan na ng paraan ng Aquino government na makamit ang pamantayan na ito ng European Commission at ng European Maritime Safety Agency (EMSA) para hindi ma-blacklist ang ating mga kababayan.
Ilan lang 'yan sa mga layunin ng pagbiyahe ni PNoy sa Laos bukod pa sa pagpapalakas ng diplomatikong ugna­yan ng Pilipinas sa ibang bansa at makahikayat ng mga dayuhang mamuhunan ng negosyo sa bansa para lumikha ng dagdag na trabaho sa mga Pilipino.
Kung maraming trabahong puwedeng pasukan sa Pilipinas, mababawasan na rin ang mga Pinoy na napipilitang magtrabaho sa ibang bansa para buhayin ang kanilang pamilya. Isa kasi sa pangarap ni PNoy na dumating ang panahon na bago sana matapos ang kanyang termino sa 2016 ay hindi maging obligasyon ang pangingibang bansa ng mga kababayan natin.
Hiling ni PNoy sa mga kababayan sa kanyang talumpati, "Magkusa tayong sumagwan at makiambag. Ikaw man ay nurse sa isang baryo, isang seaman sa Italya; ikaw man ay guro sa liblib na sitio, o inhinyero ng pinakamatayog na gusali sa Espanya; may maitutulong ka para sa pag-
angat ng iyong kapwa; may maibabahagi ka sa tagumpay ng iyong bansa."
Kaya naman sa halip na mang-intriga o maghanap ng butas na maipupuna sa kapwa o kung kritiko ng gobyerno na walang magawa kundi maghanap ng puwedeng ipang-asar, mas mabuting maghanap na lamang ng solusyon sa problema at tiyak nakatulong ka pa!

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: