May pakinabang! | |
Muling ipinakita ni Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino ang kanyang matindi at hindi matatawarang malasakit sa mga marino nang bigyang prayoridad ang pagsusulong sa kanilang kagalingan at interes sa nakalipas na 9th Asia Europe Meeting (ASEM) sa Laos na nagresulta para matiyak na mapapanatili ang trabaho sa halos isang daang libong marino.
Kapuri-puri ang hakbang ni PNoy matapos makipag-usap kina European Council President Herman Van Rompuy at European Commission President Jose Manuel Barroso upang talakayin ang kalagayan ng mahigit sa 91,000 marinong Pilipino na nangangasiwa ng maraming barko sa Europa.
Naalarma ang Pangulo sa posibilidad na ma-blacklist ng European Union ang ating mga marino na siguradong makakaapekto sa kanilang mga pamilya.
Pinuntuhan ni PNoy ang kapabayaan ng nakalipas na administrasyon sa pagtalima ng bansa sa alituntunin sa maritima na itinatakda ng Standards of Training, Certification and Watchkeeping (STCW) ng European Commission.
Para nga makatugon ang bansa sa alituntunin, nilagdaan ng Punong Ehekutibo ang Executive Order (EO) No. 75 na nag-uutos sa Department of Transportation and Communications (DOTC) na siguruhing makakasunod ang bansa sa itinatakdang pamantayan ng STCW.
Dahil dito, napanatili ng Pilipinas ang katayuan nito sa maritime whitelist ng European Commission at sinigurado ng Pangulo na makakapasa tayo sa susunod na pagsusuri ng EMSA.
Mismong si Norwegian Prime Minister Jens Stoltenberg, pinuri ang Pilipinas sa mga repormang ipinapatupad nito at maging ang mga programa para matulungan ang mga mahihirap, as in nangako rin ang Norway na tutulungan ang Pilipinas na makalusot sa European Union maritime audit.
Bukod sa pagkuha sa serbisyo ng mga marinong Pilipino, nangangailangan rin ang Norway ng malaking puwersa ng mga kawani, lalung-lalo na sa sektor ng medikal na pagsusumikapang makuha ng Pilipinas.
***
Napag-uusapan ang Laos trip, isa pang positibong bagay sa nakalipas na biyahe ni PNoy ang pagkakakuha nito sa pangako ng mga kasaping bansa ng ASEM na lalo pa nilang susuportahan ang pag-unlad sa Mindanao matapos lagdaan noong nakalipas na buwan ang Framework Agreement para sa kapayapaan.
Isa lamang ito sa mabungang biyahe ng Pangulo sa 9th ASEM na isinagawa sa Vientiane, Lao People's Democratic Republic.
Sa katunayan, pinuri pa ng mga lider ng ASEM ang Pilipinas matapos maisara ang Framework Agreement for Mindanao para sa kapayapaan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Bukod sa kasunduang pangkapayapaan sa mga rebeldeng Muslim, bumilib rin ang mga lider ng bansang mga kasapi ng ASEM sa mga repormang ipinatupad ng pamahalaan kaya nais nilang makibahagi sa magandang mga nangyayari.
Sa kanyang pulong kay Japanese Prime Minister Yoshihiko Noda, sinabi ng Pangulo na nasentro ang diskusyon sa malinaw na alituntunin sa West Philippine Sea at maging ng kapayapaan sa Mindanao.
Magugunitang nagkaroon ng kontribusyon ang Japan sa proseso ng kapayapaan, partikular sa naging pulong ni Pangulong Aquino sa Narita sa matataas na mga opisyal ng MILF noong Agosto 2011.
Magkakasama ang Japan, UK, Turkey at Saudi Arabia sa tinatawag na International Contact Group (ICG) na itinatag noong Disyembre 2009 upang isulong ang wagas na kapayapaan sa Mindanao.
Walang duda na ang matino at maayos na mga polisiya ni Pangulong Aquino ang nasa likod ng lahat ng mga tagumpay at papuring ating inaani sa mata ng internasyunal na komunidad.
Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment