Friday, November 2, 2012

Positibo!




Positibo!
REY MARFIL





Hindi nakakapagtaka ang pinakabagong survey ng Social Weather Station (SWS) na nagpapakita ng patuloy na mataas at malakas na tiwala ng publiko sa administrasyong Aquino na indikasyon ng kanilang pagsang-ayon sa ipinapatupad na mga reporma.
Pinatunayan rin ng survey ang malaking tagumpay ng pamahalaan sa pagtiyak ng epektibo at pantay-pantay na pagkakaloob ng serbisyo sa publiko.
Naniniwala akong gagamitin ito ng pamahalaan para lalo pang paghusayin at pagbutihin ang pagresolba sa mga suliranin at tugunan ang pangangailangan ng mga tao at mapanghamong panahon.
Tandaan: Walang sinumang administrasyon ang tuluy-tuloy na nakakuha ng mataas na ratings katulad ng liderato ni Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino sapul nang simulan ng SWS ang ganitong survey noong Pebrero 1989.
Base sa SWS survey nitong nakalipas na Agosto, tumaas ang public's net satisfaction ng administrasyong Aquino sa +62, halos tabla ng tinaguriang best rating nitong +64 na naitala noong Setyembre 2010.
Naitala ang pagtaas ng net satisfaction sa lahat ng geographic regions, economic classes at tinatawag na overwhelming number of indicators.
Nakapagtala ang administrasyon ng mataas na marka sa larangan ng ekonomiya katulad ng pagkakaloob ng trabaho na +43 at paglaban sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo o implasyon mula -6 patungong +19.
Kapansin-pansin rin ang mataas na markang nakuha sa paglaban sa krimen na mula +16 patungong +42 at pagsugpo sa katiwalian mula +12 patungong +40.
Mataas rin ang nakuhang marka ng administrasyong Aquino sa pagtulong sa mga nabiktima ng kalamidad base sa naitalang +73 habang +59 naman sa pagtulong sa mga mahihirap mula sa dating +35.
Maganda rin ang ipinakita ng pamahalaan sa promosyon ng kagalingan at interes ng overseas Filipino workers (OFWs), relasyong diplomatiko at pagtatanggol ng bansa sa teritoryo nito.
***
Napag-uusapan ang good news, nakakatuwang marinig sa administrasyong Aquino ang kanilang target na pagkakaloob ng walong mga proyekto ngayong taon at katulad na 10 karagdagan pa sa 2013 sa ilalim ng programang public private partnership (PPP) na siguradong lilikha ng aktibidad sa ekonomiya at magreresulta sa karagdagang trabaho para sa mga Pilipino.
Sa nakalipas na business forum sa New Zealand kung saan nagkaroon si PNoy ng state visit, inihayag nito ang pagsubasta sa ilang mga proyekto katulad ng Light Rail Transit extension at konstruksyon ng mga silid-aralan ng Department of Education.
Sa ngayon, naibigay na ng pamahalaan ang konstruksyon ng 10,000 silid-aralan at magkakaroon ng karagdagang subasta para sa 10,000 pang katulad na mga pasilidad na gagawin. Isinubasta na rin ng pamahalaan ang toll way at ipagkakaloob pa ang isang katulad na proyekto.
Sa tulong ng matuwid na daan ni PNoy, naitatag ng pamahalaan ang PPP projects at asahan nating pakikinabangan ang mga ito ng maraming mga Pilipino.
Hindi lamang nito sinasakop ang tinatawag na economic infrastructures katulad ng mass transit, toll ways, kuryente, sewerage at tubig kundi maging ang social infrastructures kagaya ng konstruksyon ng mga eskwelahan at maging ng mga tanggapan.
Nais lamang ng Pangulo na tugunan ang kakulangan sa imprastraktura ng Pilipinas kumpara sa ibang mga kanugnog na bansa sa Asya kung saan ginagawa ang PPP projects base sa pondong nakalaan.
Dahil sa matalino at hindi maaksayang paggugol ng pampublikong pondo, nagawa ng pamahalaan na itaas ang alokasyon sa imprastraktura ng halos 50 porsiyento sapul nang maupo ang Pangulo sa posisyon noong 2010.
Umaasa ang pamahalaan na magtutuluy-tuloy ang magandang programang ito hanggang bumaba sa kapangyarihan si PNoy sa 2016. At kamakailan nagtungo ang Pangulo sa New Zealand para sa dalawang araw na state visit at tumuloy sa Australia sa katulad na trabaho.
Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: