Wednesday, November 7, 2012

Upgraded!



Upgraded!
REY MARFIL





Matuwid na pamamahala ni Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino na nagbunga ng magandang ekonomiya ang pangunahing rason sa patuloy na tagumpay ng kanyang pamahalaan, patunay ang mataas na credit ratings na ipinagkaloob ng Moody's Investors Service sa Pilipinas.
Itinaas ng Moody's Investors Service ang Pilipinas mula BA2 tungong BA1 o isang puntos na lamang na mababa sa tinatawag na investment grade status o estado ng pamumuhunan, as in siyam na pagkakataong na-upgrade ang Pilipinas, sapul nang manungkulan noong Hunyo 30, 2010 si PNoy.
Kinilala rin ng Moody's ang malakas na macro-economic fundamentals at pagsusumikap ng pamahalaan na mapalakas ang pananalapi para sa kaunlaran, kabilang ang kaaya-ayang mga programa katulad ng makasaysayang Bangsamoro Framework Agreement na posibleng magbigay-daan upang malinang ang yaman ng Mindanao at makinabang ang sambayanan sa progreso.
Ipinakita lamang ng Moody's upgrade ang katulad na kumpiyansang ibinigay ng Standard & Poor's and Fitch Ratings na naunang nagkaloob sa Pilipinas ng markang isang puntos upang makamit ang investment grade status, 'di hamak na napakalayo sa nagdaang 9-taon.
Makasaysayan ang pag-upgrade dahil isang dekada na ang nakakalipas, simula nang magbigay ang tatlong credit ratings agencies ng nagkakaisang markang ganito sa bansa. Take note: Mismong si PNoy ay hindi maiwasang magpasaring na masisira ang calculator sa dami ng "addition" sa mga kontratang pinalusot ng pinalitan nito sa puwesto.
Ipinapamalas lamang sa ganitong pagtanaw ng credit ratings ang namimintinang kumpiyansa ng international community sa magandang kalagayan ng pamumuhunan sa bansa, sa ilalim ng administrasyong Aquino sa tulong ng malinis na pamamahala at sa gitna ng paghina ng pandaigdigang ekonomiya.
***
Napag-uusapan ang good news, pinatunayan sa ginawang pagkilala sa Pilipinas ng international think-tank na Economist Intelligence Unit (EIU) bilang isa sa magagandang mga lugar sa buong mundo para sa micro-enterprises o maliliit at katamtamang mga negosyante na naghahari ang malinis at matuwid na pamamahala ni PNoy.
Isang magandang balita para sa publiko ang mataas na gradong ipinagkaloob dahil lubhang napakahalaga ang micro-financing lalo pa't nakakatulong ito sa tinatawag na maliliit at katamtamang mga negosyo isang pamamaraan upang mapalago ang ekonomiya at mabawasan ang pagdami ng tambay sa mga pundahan o kanto.
Muling hinirang ang Pilipinas bilang isa sa mga bansa sa buong mundo na mayroong paborableng kapaligiran para sa maliliit na mga negosyo matapos makuha ang ikaapat na posisyon sa hanay ng 55 nasyon na sinaliksik ng EIU ito'y mataas ng dalawang puntos kumpara sa nakuhang ikaanim na puwesto ng Pilipinas noong 2011.
Sa ulat ng "Global Microscope on the Microfinance Business Environment 2012", sinabi ng EIU na maganda ang mga ipinatupad na regulasyon ng mga ahensya ng pamahalaan katulad ng Central Bank kaya napanatili ng Pilipinas ang estado nito sa 10 nangungunang mga bansa na mayroong magandang kapaligiran para sa micro-business.
Kabilang sa mga regulasyong nakakatulong sa maliliit na mga negosyo ang umento sa halagang maaaring utangin sa mga bangko at pangkalahatang pagpapahiram ng puhunan ng mga bangkong pag-aari ng gobyerno.
Nakakuha ang bansa ng 63.3 puntos sa pangkalahatang micro-business environment. Nanguna naman ang Peru sa naitalang 79.8 puntos na sinundan ng 71.8 puntos ng Bolivia at ikatlo naman ang 67.4 puntos ng Pakistan.
Kaya't ipagpasalamat natin ang matuwid at malinis na pamamahala ni PNoy na nakatulong ng malaki upang manumbalik sa pamahalaan ang tiwala ng publiko at kumpiyansa ng mga negosyante.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo". (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: