Friday, November 16, 2012

Magkaiba ang langka sa mangga!



Magkaiba ang langka sa mangga!
REY MARFIL




Sa kilatis pa lang, malayo na ang itsura ng magaspang na balat ng langka sa pinong balat ng mangga ganito ang tila nais gawin ng ibang kritiko sa ginagawang pagkukumpara kay Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
May nagsasabi kasi na walang raw pinagkaiba si PNoy kay Mrs. Arroyo pagdating sa pagbiyahe sa ibang bansa lagi raw itong umaalis ng Pilipinas na ang pinakahuli'y ang pagdalo sa pulong ng mga Asian at European leaders sa Laos.
At asahang muling "mabubuhay ang dugo" ng mga hindi makapag-move on sa resulta ng 2010 presidential elections lalo pa't paalis si PNoy ngayong Sabado (Nov. 17) papuntang Cambodia para dumalo sa ASEAN summit isang napakahalagang pagtitipon ng mga kalapit-bansa sa Asya na naglalayong palakasin ang relasyon, negosyo at resolbahin ang mga gusot sa pag-aagawan ng teritoryo.
Ngunit kung tutuusin, mabibilang lang sa daliri ang pag-alis ng bansa ni PNoy kada taon at mas hamak na konti kumpara sa mga biyahe ng dating liderato. Bukod pa rito, mas maliit din lang delegasyon o kasama sa biyahe ni PNoy, na taliwas din sa mga biyahe noon ni Mrs. Arroyo na madalas may mga bitbit na paborito nilang kaalyadong mga kongresista kasama pa ang mga asawa at tagabitbit ng Louis Vuitton.
Ang maliit na delegasyon ang malaking rason kung bakit mas maliit din ang gastos ni PNoy sa mga biyahe, bukod pa sa wala itong mga pinupuntahang "side trip" para magpahinga sa magagarang hotel o kumain sa mamahaling resto.
Kahit sa bangketa, puwedeng kumain ng hotdog si PNoy na malayong mapagawa mo sa nakaraang liderato. Isa pa, walang misis na isasama si PNoy sa mga biyahe sa abroad kaya solong katawan lang ang ginagastusan sa mga opis­yal na paglalakbay nito sa ibang bansa.
***
Napag-uusapan ang biyahe, wala ring masama kung ulit-ulitin ni PNoy sa kanyang mga talumpati sa abroad sa harap ng mga kababayan natin ang mga kasong kinakaharap ni Mrs. Arroyo at nangyaring impeachment kay dating Chief Justice Renato Corona.
Inilalahad lamang ng Pangulo ang katotohanan tungkol sa nangyayari sa ating bansa. Hindi ba totoong nahaharap sa mga kaso si Mrs. Arroyo dahil sa alegasyon ng katiwalian? Hindi ba totoo na napatalsik si Corona sa Korte Suprema dahil sa hindi siya nagdeklara ng tamang dami ng kanyang ari-arian sa statement of assets liabilities and networth? Kung mali at kasinungalingan ang lahat ng tinuran ni PNoy sa harap ng Filipino community sa abroad dito may karapatang mag-alburoto ang mga kritiko!
Ang tanong ni Mang Gusting: Masaya ba ang nakakaraming Pilipino sa siyam na taong panunungkulan ni Mrs. Arroyo sa Palasyo o tanging nakinabang sa puwesto? Nag­ra-rally ba ang mga Pilipino sa kalye para ipanawagan na palayain sa hospital arrest si Mrs. Arroyo? At hindi rin ba totoo na nahaharap sa kasong katiwalian si Corona dahil sa usapin ng umano'y 'di niya tamang pagdedeklara ng buwis?
Lahat naman ng ito'y totoo at ibinabalita lang ni PNoy sa mga kababayan natin na wala sa Pilipinas dahil hindi makapagbasa ng diyaryo ito'y para mabigyan sila ng kaalaman sa ginagawang pagsisikap ng kasalukuyang gobyerno para malinis ang duming iniwan ng nagdaang liderato.
Ang pagbiyahe ng Pangulo ay limitado lamang, pili at matipid. Mapalad ang bansa na magkaroon ng simpleng lider at hindi maluho kaya hindi nawawaldas ang kaban ng bayan sa mga biyahe.
Kapalit ng matipid na biyahe ay pagpapalakas ng ugna­yan ng Pilipinas sa mga bansang binibisita ni PNoy. Bukod sa pagpapabuti ng diplomatikong ugnayan, nagpapasok din ito ng mga bagong negosyo at mamumuhunan sa bansa na magbibigay ng maraming trabaho sa ating mga kababayan.
Sana lang sa susunod, huwag ikumpara ng mga kritiko ang langka sa mansanas o mangga sa pagnanais lamang magpabida sa media o masabing sila ay kritiko kahit sobrang layo na sa kanilang inaasinta.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: