Friday, November 9, 2012

Nagmamarka!




Nagmamarka!
REY MARFIL



Hindi nakakapagtakang pumangalawa ang bansa sa Global Consumer Confidence Survey na isinagawa ng Nielsen Company kinakatawan ng pinakabagong survey ang dalawang porsiyentong pagtaas sa third quarter ng 2012 kumpara sa second quarter ng taon.
Sa naitalang 118 na marka, pumangalawa ang Pilipinas sa India at Indonesia na parehong nakakuha ng 119 sa hanay ng 58 na mga nasyong isinama sa pananaliksik. Maliit na 12 bansa lamang sa hanay ng 58 ang nagrehistro ng pagiging optimistiko.
Malinaw na maganda ang pananaw ng mga konsumer sa takbo ng ekonomiya kaya mataas ang kanilang kumpiyansa isang patotoo ang pagdagsa ng puhunan at negosyo. Ma­ging ang iba't ibang world leader, napapansin ang Pilipinas at bago ang ASEM summit, bisita ang France, pinaka-latest ang Canada ngayong Sabado.
Tinalo ng Pilipinas ang Thailand ng anim na puntos at 13 puntos naman ang iniangat natin sa Malaysia.
Nakakuha naman ang Singapore ng 98 points at 87 sa Vietnam.
Walang kaduda-duda na bahagi ng matuwid na daan na kampanya ni Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino ang magandang resulta ng survey, malinaw ang nagmamarkang liderato sa loob lamang ng humigit-kumulang tatlong taon.
***
Napag-uusapan ang good news, nasa tamang direk­syon talaga ang pinalawak na Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) o subsidiya ng administrasyong Aquino para makamit ang Millennium Development Goals (MDGs) upang masugpo ang kahirapan at kagutuman sa bansa.
Inaasahan natin na mamimintina ng matuwid na daang kampanya ng administrasyong Aquino ang 4Ps bilang "best investment asset" para sa mga Pilipino.
Hindi lamang pinagkakalooban nito ang mga benepisyunaryo ng kita kundi maging ng kakayahan upang ma­ging produktibong mga tao bilang pangmatagalang ayuda.
Makikita naman talaga ang masigasig na pagsusumikap ng pamahalaan na hanapan ng lunas ang pagpapababa sa kahirapan.
Tinutukoy ng MDGs ang walong internasyunal na target na pangkaunlaran na itinatakda ng United Nations (UN) at napagkasunduan ng 192 UN member-states at 23 international organizations na makamit sa 2015.
Bukod sa pagsugpo sa kahirapan at kagutuman, kabilang rin sa Millennium Development Goals ang pagkamit sa universal primary education; promosyon ng gender equality at pagpapalakas ng mga kababaihan.
Nakapaloob din ang pagpapababa sa pagkamatay ng mga bata; pagpapabuti sa kalusugan ng mga nanganganak, pagsugpo sa HIV/AIDS, malaria, at iba pang nakamamatay na mga sakit; pagtiyak ng maayos at kaaya-ayang kapaligiran; at paglinang sa pandaigdigang samahan tungo sa kaunlaran.
Sapul nang maupo si PNoy sa kapangyarihan noong Hunyo 30, 2010, talaga namang nireporma at pinalawak nito ang CCT. Mula sa kulang-kulang isang milyong mga benepisyunaryo bago pumasok si PNoy sa tanggapan, target ngayon ng programa na makuha ang 3.1 milyong benepisyunaryo sa pagtatapos ng taon.
Bagama't mayroong mga kritiko ang programa, hindi naman napigilan maging ni Junko Onishi, Social Protection Specialist ng World Bank, na magsabing mayroong mga ebidensya na tama ang Pantawid Pamilya at mayroong positibong epekto sa mga benepisyunaryo.
Idinagdag naman sa ulat ng World Bank-AusAID na naitataas ng 4Ps ang kita ng mga benepisyunaryo sa 12.6 porsiyento at mapababa ang pangkalahatang kahirapan sa pagkain na sakop ng programa ng 5.5 porsiyento.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blog­spot.com)

No comments: