Monday, July 9, 2012





Pati oposisyon!
REY MARFIL





Patuloy na inaani ng mga Pilipino ang matuwid na daang kampanya ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino, isang patunay ang muling pag-angat ng credit rating ng bansa sa Standard & Poor’s dahil sa bumababang utang at ibang positibong pagbabago sa ekonomiya ng bansa.
Ipinapakita rito ang ganansiyang nagawa ng administrasyong Aquino sa larangan ng matalino at matinong paggugol at iba pang paggamit ng pananalapi. Siguro naman, naiintindihan ngayon ng mga malakas “kumiyaw-kiyaw” kung bakit hinigpitan ni PNoy ang paggastos!
Itinaas ng S&P ang pangmatagalang foreign currency rating ng bansa sa BB+ mula BB, parehong antas na nakuha ng administrasyong Aquino sa Fitch Ratings.
Pinagtibay rin ng S&P ang pangmatagalang local currency rating sa BB+ na ikinokonsiderang “stable outlook” katulad ng una para sa interes at kagalingan ng bansa.
Bahagi ang pagkilalang ito ng positibong bagay na nakamit ni PNoy sa larangan ng pananalapi na ikawalong po­sitive credit ratings sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Inaasahan nating lalong magsusumikap nang husto ang kinauukulan na magpursige sa mas magandang credit ra­ting ng bansa sa pamamagitan ng pagpapatuloy ng nasimulang magandang macroeconomic stability, fiscal sustainability at inclusive economic growth.
Isipin na lamang ninyo na tinatamasa ito ng bansa sa gitna ng paghihirap ng ekonomiya ng maraming mga nas­yon sa mundo na nagsusulong ng matinding pagtitipid kontra sa pagkakaroon ng mas agresibong paggastos o stimulus na naglalayong mapalakas ang ekonomiya.
Tunay ngang naibalik ni PNoy ang tiwala ng mga mamumuhunan sa bansa sa pamamagitan ng matinong pamamahala at libre sa katiwaliang liderato na hindi nagawa ng mga dating nakaupo.
Dahil sa patuloy na pagtaas ng ating credit rating, malapit nang marating ng administrasyong Aquino ang tinatawag na investment grade status.
***
Napag-usapan ang mga papuri, hindi rin napigilang humanga ng oposisyon sa matuwid na daang kampanya ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino -- isang patunay na hindi nagkamali ang mayorya ng nakaraang eleksyon.
Sa sobrang ganda ng ginagawa ng administrasyong Aquino, bilib si House Minority Leader at Quezon Rep. Danilo Suarez. Kaya’t nakakapagtaka kung ano ang pinag­huhugatan ng ilang kritiko na hindi magawang kilalanin ang nagawa ni PNoy.
Sa kanyang press conference, hindi na naitago ni Suarez ang kanyang paghanga sa mabubuting programa ni PNoy na nagtataglay rin ng hindi matatawarang sensiridad at katapatan na dahilan kaya nasa tamang direks­yon ang bansa.
Eto ang eksaktong sound bite ni Cong. Suarez, “Kung sumagot ako baka akala nyo si (Presidential spokesman Edwin) Lacierda ang nagsasalita.
Pero kung hindi honest ang Presidente, matagal nang nag-collapsed itong gobyerno na ito”. “Admirer niya ako, masaktan na ang masaktan pero nagkaroon tayo ng lider na honest katulad ni P-Noy”.
Naunang inihayag nina Marikina City Rep. Miro Quimbo at Citizens Battle Against Corruption Rep. Sherwin Tugna na naging matagumpay si PNoy sa pagpapanumbalik ng tiwala ng mga negosyante sa bansa kaya naalis ang talamak na “lagay system” na nakaugalian sa mahabang panahon.
Ginawa nina Quimbo at Tugna ang pahayag matapos maitala ang pinakamataas na positive ratings ng iba’t ibang malalaking samahan ng mga negosyante sa bansa kaugnay sa kanilang tiwala sa administrasyong Aquino.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

1 comment:

Anonymous said...

iklaro ko lng po... sa Marikina Registry of Deeds napakarami pa din ang nanghihingi ng lagay dyan, lalo na ung mga ngppatransfer ng Lot Title... magpakahanggang ngaun... bka pwedeng maispy-an nyo... thanks