Friday, July 13, 2012

‘Wag isnabin!




‘Wag isnabin!
REY MARFIL





Karaniwan na sa ating mga Pinoy, lalo pa’t nakatira sa lungsod -- hindi nabibigyan ng pansin ang usapin na nangyayari sa mga lugar na hindi natin tanaw gaya ng mga kabundukan -- ito’y hindi lamang sa masyado tayong abala sa a­ting mga trabaho kundi sadyang hindi natin pinapansin ang bagay na hindi pa tayo apektado.
Gaya na lang ng usapin sa illegal logging; noon, walang pakialam ang mga nasa lungsod kung makalbo man ang gubat basta’t meron tayong muwebles -- tulad ng silya at lamesa na mabibili. Ano nga ba ang pakialam natin kung maubos ang puno sa gubat gayong nasa bundok ‘yan at tayo ay nasa sementadong lugar ng lungsod.
Pero dahil sa pagbabago ng klima sa buong mundo, ang mga lugar na hindi binabaha, nilulunod na ngayon ng tubig na mula sa ulan. Nagkakaroon ng maraming flash flood, mudslide at landslide sa iba’t ibang lugar, maging sa mga subdibisyon.
Climate change ang sinasabing dahilan ng lalong pagbangis ng mga bagyo dahil na rin sa kakulangan na ng mga puno na sasalo sa init ng araw, sisipsip sa tubig ng ibinubuhos ng ulan, at humahawak sa lupa para ‘di dumausdos.
Sa isang iglap, nakuha ang atensiyon ng mga taga-lungsod at nakiisa na rin sa mga panawagan laban sa illegal logging. At dahil sa lumakas ang suporta ng mga tao, naipatutupad na ang kampanya laban sa gawaing ito na sumisira ng kalikasan.
***
Napag-usapan ang mining, mainit ngayong pinagdedebatihan ang Executive Order 79 na pinirmahan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino para sa mas mahigpit na patakaran sa pagmimina sa bansa. Gaya ng usapin ng illegal logging, malayo sa pananaw ng mga tagalungsod ang nagaganap na pagmimina.
Pero kung tutuusin, kung hindi gagawa ng hakbang si PNoy para bantayan ang malawakang pagmimina ngayon, darating ang araw na mauubos na rin ang bundok sa Pilipinas na pinaglalagyan ng iba’t ibang uri ng puno at halaman, at iba’t ibang mga hayop, ibon at kulisap.
Bukod pa riyan, may posibilidad din na malason ang mga tubigan na pinagkukunan ng tubig na dumadaloy sa ating mga gripo kung hahayaan na hindi masusubaybayan ang mga nagmimina -- legal man sila o illegal.
Hindi dapat basta na lamang natin tanggapin ang tinatawag na “responsible mining”. Dahil kahit anong responsable ng nagmimina, hindi maitatago ang katotohanan, na may nature formation silang sinisira, gumagamit sila ng delikadong kemikal para makuha ang nais nilang mineral.
Huwag nating kalimutan ang nangyaring trahedya sa Marinduque kung saan isang malaking kumpanya ng nagmimina ang sumablay sa kanilang tapunan ng kemikal na dumaloy sa ilog at nagdulot ng matinding perwisyo.
Maganda ang layunin ni PNoy sa pagpapalabas ng kanyang EO 79, protektahan ang mga lugar at kapaligiran na dapat protektahan, tiyakin na ligtas ang mga lugar na pinagmiminahan, at malikom ng gobyerno ang dapat na malikom.
Subalit sa kabila ng magandang hangarin ng pangulo, asahan na papalag ang mga tatamaan ng kanilang sariling interes. Tiyak na kukuwestiyunin nila sa korte ang legalidad ng kautusan ni PNoy kahit hindi pa man nila ito binibigyan ng pagkakataon na maipatupad para makita ang benepisyo.
Sa unang pagkakataon, isang pangulo ang naglakas ng loob na banggain ang malalaking kumpanya na nasa minahan at mga lokal na opisyal na personal na nakikinabang din sa lokal na buwis sa pagmimina.
Wala naman kasing mawawala sa kanya dahil wala naman siyang interes o negosyo sa pagmimina.
Dapat suportahan ng lahat ng Pilipino ang hakbang na ito ni PNoy sa pagtatakda ng mas mahigpit at maayos na patakaran sa pagmimina - ikaw man ay nasa kanayunan o nasa lungsod.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: