Wednesday, July 4, 2012





Lalo pang gumaganda!
REY MARFIL



Dahil sa makatotohanang mga repormang ipinapatupad ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino III sa ilalim ng matuwid na daan, nakapag-ambag na ang bansa ng $1 bilyong pautang sa International Monetary Fund (IMF) bilang bahagi ng responsibilidad para saklolohan ang ibang mga nasyon na nahaharap sa krisis-pinansiyal.
Kung babalikan ang kasaysayan, sobra-sobra ang pakinabang ng bansa bilang benepisyunaryo ng pautang ng IMF sa nakalipas na 40 taon. 
Ngayong ikinokonsidera ang Pilipinas bilang nagpapa-utang na bansa, obligasyon naman natin na magkaloob ng ayuda sa mga nasyong nangangailangan ng pondo mula sa IMF lalo’t makakatulong rin ito para maalis ang krisis sa Europa.
Sigurado naman na kayang-kayang garantiyahan ng pamahalaan sa mga Pilipino na hindi malulustay ang ipinahiram na $1 bilyon sa IMF, hindi katulad noong nakaraang panahon. Umaabot na ngayon ang standby fund sa $456 bilyon kasama ang iniambag na $1 bilyon ng bansa.
Sa pamamagitan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ipinagkaloob ng pamahalaan ang $1 bilyong pautang sa IMF para suportahan ang pandaigdigang hakbang na saklolohan ang mga ekonomiya ng ibang mga bansa sa mundo na nangangailangan ng paglago ng kanilang kabuhayan.
Pero kung tutuusin, hindi naman makakamit ng bansa ang ganitong estado kung hindi nagsusumikap si PNoy sa pagsusulong ng mga makatotohanang reporma.
***
Napag-usapan ang good news, isang pagkilala sa desidido at agresibong kampanya ng administrasyong Aquino sa pagresolba ng problema sa human trafficking ang pananatili ng bansa sa Tier 2 Category ng 12th Annual Trafficking in Persons (TIP) Report ng United States (US) State Department.
Binigyang-diin sa ulat ang ilang pangunahing nakamit ng pamahalaang Pilipinas para supilin at resolbahin ang human trafficking.
Sa ilalim ng matuwid na daang kampanya ni PNoy, lalo pang napaganda ang estado hanggang maalis ang bansa sa Tier 2 lalo’t mas pinatindi ang kampanya sa pagsupil sa “illegal traffickers at recruiter” na bumibiktima sa mga pobreng kababayan.
Responsable ang Inter-Agency Council Against Trafficking in Persons (IACAT) sa pagbuo ng mga programa para matiyak na matitigil ang human trafficking sa buong bansa.
Kabilang sa ilang nakamit ng bansa na nakita sa ika-12th Annual Trafficking in Persons Report ang paghuli at pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo laban sa mga kawani ng pamahalaan na pinaghihinalaang kasabwat ng human trafficking syndicates o tumutulong sa operasyon ng mga ito.
Sa ulat ng TIP, nakita rin ang patuloy na tagumpay ng pamahalaan sa prosekusyon at conviction ng mga taong nasa likod ng human trafficking at maging ang pagtulong sa mga nabiktima ng sindikato.
Pinuri rin ng US State Department ang mahalagang papel ng pamahalaang Aquino sa pagsasanay ng mga pampublikong opisyal, partikular sa pagtatatag ng human trafficking indicators, kaugnay sa Filipino migrant workers’ pre-deployment overseas.
Nalaman rin sa ulat ang hakbang ng pamahalaan para tiyakin ang interes at kagalingan ng mga manggagawang Pilipino sa pamamagitan ng bilateral agreements, lalung-lalo na ang labor-related accessions sa banyagang mga bansa.
Umabot naman sa $1.5 milyon o P65 milyon ang inilaan ng pamahalaan para suportahan ang kampanya laban sa human trafficking, prosekusyon ng offenders, at pagpapanatili ng proteksiyon sa publiko mula sa pandaigdigang problema.
Sa ilalim ng Tier 2 status, opisyal na kinikilala ang mahalagang ginagawa ng isang bansa sa paglaban sa problema alinsunod sa pinakamababang pamantayan ng US State Department.
Nakasunod naman ang Tier 1 na estado sa pinakamababang pamantayan sa Trafficking Victims Protection Act (TVPA) habang hindi ganap na makasunod, ngunit patuloy na nagsusumikap para sa malaking positibong pagbabago sa reporma ang Tier 2 na estado.
Anyway, happy birthday sa aking “ex-girlfriend” at nag-iisang may-bahay (Ethel Mallen-Marfil).

Laging tandaan: “Bata n’yo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: