Wednesday, July 11, 2012

Binago ni Joel!





Binago ni Joel!
REY MARFIL



Lalong pinakikinabangan ng mga Pilipino ang magagan­dang programang isinulong ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ito’y matapos bumaba sa 18.4% ang insidente ng kahirapan sa bansa nitong Mayo mula sa naitalang pinakamataas na 23.8% sa naunang tatlong buwan base sa resulta ng pina­kabagong survey ng Social Weather Stations (SWS).
Sa SWS survey mula Mayo 24 hanggang 27, lumabas na 18.4% o 3.8 milyong pamilya na lamang ang nakaranas ng kagutuman sa nakalipas na tatlong buwan na mababa ng isang milyong pamilya mula sa dating 23.8% o 4.8 milyong pamilya.
Ibinunyag ng SWS na kauna-unahang pagkakataon na bumaba ito sapul noong Enero 2011 kung saan naitala ang 20% na nakaranas ng kahirapan.
Hindi naman nakakapagtaka dahil talagang magaganda ang mga programang ipinagkakaloob ni PNoy, katulad ang conditional cash transfer (CCT) na nagbibigay ng direktang tulong sa pamamagitan ng subsidiya sa pinakamahihirap na mga pamilya.
***
Napag-usapan ang good news, positibong bagay ang pag­lalaan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ng P3 milyong pondo bilang subsidiya sa pagsasanay na isasagawa sa mga komunidad sa ilalim ng ABS-CBN Foundation Inc. (AFI).
Nilagdaan nina Secretary Joel Villanueva, Secretary General ng TESDA, at Regina Paz Lopez, managing director ng foundation, ang memorandum of agreement na nag­lunsad ng hakbanging ipatupad ang mga programa sa pagsasanay sa tatlong komunidad sa BayaniJuan ng AFI sa Pa­lawan, Laguna at Zambales.
Inilunsad ng AFI noong 2008 ang BayaniJuan upang tulungang muling makabangon ang mga mahihirap na komunidad sa pamamagitan ng socio-civic programs.
Mula sa Training for Work Scholarship Program (TWSP) fund, ilalabas ng TESDA ang kabuuang P3,139,500 sa training requirements ng Provincial Training Center (P727,000) and Hope Beginnings Institute Inc. (P150,000) para sa Zambales; Jacobo Z. Gonzales Memorial Arts and Trade (P1,287,000) sa Laguna, at Puerto Princesa School of Arts and Trade (P975,000) sa Palawan.
Pinakamalaking kasiyahan dito ang paniniyak ng AFI sa 60 porsiyentong employment rate sa hanay ng mga magsisipagtapos.
Ipagkakaloob din ng TESDA ang teknikal at administra­tibong suporta para sa implementasyon ng programa, ayuda sa pagpili ng training providers na makakatulong sa scho­lars, pagsasagawa ng competency assessment at pagbabantay at inspeksiyon ng implementasyon ng proyekto.
Ibibigay naman ng AFI ang ayuda sa pagkuha at pagpili ng target na mga benepisyunaryo, pagtiyak na makakatapos sa programang pagsasanay ang mga iskolar at promos­yon ng samahan sa media.
Kabilang din ang pagtulong sa paglikha ng social enterprise system na magsusulong ng kaunlaran sa mga komunidad base sa social enterprises at employment services, koordinasyon sa iba’t ibang mga kompanya at industriya hinggil sa posibleng pagpasok sa trabaho ng trainees.
Isang social at enterprise development institution ang AFI na dedikado sa pagbuo ng bansa sa pamamagitan ng entrepreneurship, edukasyon, at pagpapaunlad at rehabilitasyon ng komunidad.
Isa sa pangunahing layunin nito na maging panguna­hing rehiyonal, pambansa at pandaigdigang puwersa ito para maisulong ang entrepreneurship at produktibong edukasyon.
Malaking reporma ang ginawa ni Sec. Joel sa TESDA dahil nagiging isang kapaki-pakinabang itong ahensiya na nagbibigay ng trabaho sa daan-daang libong Pilipino na malayung-malayo sa nagdaang panahon kung saan batbat ng katiwalian.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: