Wednesday, July 18, 2012

May pagkakataon!





May pagkakataon!
REY MARFIL



Nagluluksa pa rin ang sambayanan sa pagpanaw ng Comedy King na si Dolphy.
At kahit nailibing na ang batikang aktor, buhay na buhay pa rin ang mga panawagan na ga­wing siyang National Artist.
Sa pagpanaw ng batikang komedyante na kilala rin bilang si Pidol, muli ring binalikan ang mga pagkilala na natanggap nito, kabilang ang Grand Collar of the Order the Golden Heart na ibinigay ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino noong 2010.
Ang naturang award ang pinakamataas na parangal na ibinibigay ng Pangulo sa mga pribadong tao o sibilyan. At iginawad ni PNoy kay Pidol, ilang buwan lamang ang nakalilipas matapos ang May 2010 presidential elections.
Sa naging panayam noon kay Pidol, lubos ang pasasa­lamat ng komedyante kay PNoy sa ibinigay na parangal. Ika nga ni Pidol, “hindi raw niya inaasahan ang naturang parangal dahil si Sen. Manny Villar ang sinuportahan niya sa nabanggit na halalan”.
Paglalarawan pa nga ni Pidol kay PNoy, “napakabu­ting tao”. Binato raw niya ng bato si PNoy noong halalan, pero ang ibinato sa kanya ni PNoy ay tinapay. 
Ang Pangulo pa nga raw ang nagsabi kay Pidol na kalimutan na ang nangyari noong halalan.
At panahon na nagdadalamhati ang taumbayan mula sa pagkakaospital ni Pidol hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay, mukhang tahimik naman si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at tila nagmamasid lang.
***
Napag-usapan si Mrs. Arroyo, kung naging tama lang sana ang diskarte nito sa pagpili ng mga National Artist noong 2009, ilang buwan bago nagtapos ang kanyang kontrobersiyal na panunungkulan, baka kahit papaano’y bumango ang pangalan nito sa panahon na pinag-uusapan si Pidol.
Noong 2009, nakasama si Pidol sa unang screening ng mga nominado bilang national artist na sinala ng National Commission on Culture and the Arts (NCAA) at Cultural Center of the Philippines (CCP). Pero sa ikalawang yugto ng pilian, nalaglag na ang pangalan ng batikang komedyante.
Ang inirekomenda ng CCP at NCAA kay Mrs. Arroyo na mga national artist -- sina Lazaro Francisco, Dr. Ramon Santos, Manuel Conde, at Federico Aguilar Alcuaz. Mula sa naturang listahan, inilaglag o inalis si Santos.
At kahit wala naman sa listahan ng CCP at NCAA, idi­nagdag sina Cecile Guidote Alvarez, Carlo Caparas, Jose ‘Pitoy’ Moreno at Francisco ‘Bobby’ MaƱosa.
Hindi nagustuhan ng iba pang alagad ng sining ang ginawang paglaglag kay Santos at pagdagdag sa apat na pangalan -- kabilang si Caparas na ilang ulit na raw tinanggihan o nalaglag sa screening.
Marahil, kung nabigyan lang ng magandang payo si Mrs. Arroyo, mas mahusay kung si Dolphy na lang ang isini­ngit niya sa apat na kanyang hinirang na hindi inirekomenda ng CCP at NCAA.
Kung ito’y ginawa ni Mrs. Arroyo, malamang “baya­ni” sa mata ng mga nagmamahal kay Pidol at kahit papaano nakakuha ng magandang publisidad at nakapagpahinga sa kaliwa’t kanang alegasyon ng mga katiwalian na nangyari sa kanyang administrasyon.
Pero hindi nangyari kaya’t hanggang ngayo’y sinisingil sa mga kamalian nito.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: