Monday, July 23, 2012

Ang kape sa SONA!





Ang kape sa SONA!
Rey Marfil


Makatwiran ang paghahain ng reklamong pandarambong at katiwalian sa Office of the Ombudsman laban sa mga dating matataas na mga opisyal ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) at coffee supplier ng ahensiya kaugnay sa P258 milyong ginastos sa kape.

Sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino, ibinuking ang maluhong kape, animo’y nangalumata sa kahihigop ang mga player, sampu ng Pagcor officials na itinuturong salarin.

Kabilang sa ipinagharap ng kasong pandarambong at katiwalian sina dating Pagcor chairman Efraim Genuino, dating Pagcor President Rafael Francisco at dating senior vice president Rene Figueroa, at Carlota Cristi Manalo-Tan, may-ari ng Promolabels Inc. na dating supplier ng kape ng Pagcor.

May-bahay si Manalo-Tan ni Johnny Tan, kilalang kaalyado ni Genuino at ikalawang nominado sa Bida partylist group na malapit sa dating pinuno ng Pagcor.

Sa reklamong isinampa ng mga kasalukuyang Pagcor directors sina Jose Tanjuatco at Enriquito Nuguid, iginiit ng Pagcor na pumasok sina Genuino at mga opisyal nito sa isang concession agreement sa Promolabels.

Saklaw ng kontrata mula taong 2001 hanggang 2010 kung saan inaakusahan na nagpayaman diumano ang mga akusado sa pagbili ng sinasabing overpriced na mga produktong Figaro coffee na ibinibigay nang libre sa mga kliyente ng pinatatakbong casino ng Pagcor.

Mula 2005 hanggang 2008, sinabi ng Casino na limang Filipino branches ang nagbayad sa Promolabels ng P258 milyon para sa mga produktong kape na overpriced umano ng siyam hanggang 74%, malayo sa naging kasunduan sa Promolabels na dapat kasing halaga ng mga kape sa mall ang presyo nito.

Inaasahan nating magbibigay ng panibagong pag-asa sa mga Filipino ang paghahain ng kasong pandarambong at katiwalian lalo’t uhaw ang mga ito sa pagkakaroon ng hustisya.

Sa tulong ng matuwid na daan ni PNoy, inaasahan nating haharap sa hustisya sa lalong madaling panahon ang iba pang mga dating opisyal na dapat managot na isang magandang senyales para sa pagpapabalik ng tiwala ng publiko sa pamahalaan.

***

Napag-usapan ang good news, magandang investment alang-alang sa kabutihan ng mga Filipino ang conditional cash transfer (CCT) program o subsidiya sa pinakamahihirap na mga pamilya sa buong bansa.

Binibigyan ng programa ng magandang kinabukasan at oportunidad ang henerasyon ng mga batang Pilipino sa pamamagitan ng pag-aaral at magkaroon ng maganda at malusog na bukas ang mga nanay para pangalagaan ang kanilang mga pamilya.

Hindi maunawaan ng mga kurimaw ang rason at lohika sa likod ng pagkontra sa CCT. Kung meron man, malinaw na pinupolitika lamang ng mga kritiko ang magandang programa.

Ika nga ni Mang Gusting “ang hirap sa mga militante at makakaliwa, ito’y pinag-aaral ng mga magulang, puro pagsali sa rally ang inaatupag at inakalang pisara ang mga pa­der sa Metro Manila. At dalawa o tatlong kataga lang ang na­tutunan, kundi ibagsak ang rehimen o kaya’y tuta ng Kano!

Binibigyan ng CCT program ang isang pinakamahirap na pamilya ng buwanang P1,500 sa konsidyong mangangako ang mga magulang na papanatilihin sa eskuwelahan ang kanilang mga anak at sasailalim ang kanilang mga asawa sa regular na pagsusuri sa health practitioner.

Napatunayan na rin na naging matagumpay ang CCT sa Brazil at Mexico at nagiging matagumpay sa 79 ng kabuuang 80 mga lalawigan sa Pilipinas. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”.

(mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: