Matuwid na Philhealth! | |
REY MARFIL
Hindi lang sakit ng lipunan na corruption ang nais pagtuunan ng pansin ng pamahalaang Aquino kundi maging ang literal na sakit na kumitil ng buhay gaya ng kanser -- ito’y isang problemang hindi natugunan sa mahabang panahon dahil inuna ang pansariling interes at pamumulitika ng mga taong takot mawala sa kapangyarihan.
Sa loob lamang ng ikalawang taon ng pamumuno ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino, ipinatupad nito ang isang mahalagang programa sa kalusugan -- sa pamamagitan ng PhilHealth na hindi nagawa ng nagdaang mga administrasyon.
Sa nakaraang panahon, ito’y pambili ng boto ang tingin ng marami sa ipinamumudmod na PhilHealth card; o kung hindi nama’y merong kadikit na isyu ng katiwalaan -- sa ilalim ng kasalukuyang pamahalaan, malinaw na pagkalinga sa mga tunay na nangangailangan ang nakaloob dito.
Sino nga ba ang makalilimot sa isyung ginamit o inilipat ang P546 milyong kontribusyon ng mga OFWs sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) funds, patungo sa PhilHealth noong Pebrero 2004 -- ilang buwan bago ganapin ang kontrobersiyal na 2004 presidential elections.
Noong Enero 2012, nagpalabas ng resolusyon ang prosekusyon ng Justice department na nagsasabing may basehan ang reklamong technical malversation laban kay Mrs. Arroyo at iba pang dating opisyal nito dahil sa ginawang paglilipat ng pondo ng mga OFW.
Gaya ng dapat asahan, itinanggi ng kampo ng dating Pangulo ang alegasyon na may anomalya sa paglilipat ng pondo kahit pa umabot sa Dalawang Kapulungan ng Kongreso ang isyu at nagsawa sa kaiimbestiga ang mga senador. Kahit itanong n’yo pa kay Senador Ping Lacson!
***
Napag-usapan ang eskandalo nakaraang administrasyon, hindi maikakaila, may bahid ng pagdududa at pag-aalinlangan kung nagamit ba sa tamang paraan ang pondo -- ito’y dahil na rin sa mababang kredibilidad ng administrasyong Arroyo para maniwalaan na ang ginagawa nito ay tama at para sa kapakanan ng mga mamamayan.
Ibang-iba nga ang administrasyong PNoy ngayon. Sa loob ng dalawang taong liderato, ibinalik nito ang pag-asa ng mga tao na kikilos ang pamahalaan para sa kanilang kapakanan at hindi sa interes ng bulsa ng iilang opisyal.
Dahil na rin sa dumaraming kaso ng sakit na kanser, isinama na sa benepisyo ng mga miyembro ng Philhealth ang delikado at magastos na sakit na kanser -- partikular ang breast at prostate cancer at childhood leukemia.
Ang pagbibigay doon sa leukemia sa mga bata -- kanser sa dugo -- ay pagpapakita ng pagmamalasakit ng pamahalaan sa mga bata na dapat bigyan ng pagkakataon na humaba ang buhay.
Hindi biro ang bilyong pondong inilaan ng pamahalaan sa programang ito ng pangkalusugan. Pero sa kabila ng malaking pondo, walang mag-iisip na may kalokohan sa likod ng programa. Ito ay dahil malaki ang pagtitiwala ng mamamayan sa integridad ng kasalukuyang Pangulo -- si PNoy.
Bukod sa pagtulong sa mga may sakit na kanser, itinaguyod din ng pamahalaang Aquino ang programang Rotavirus vaccine na ipagkakaloob sa mga batang limang taong gulang pababa.
Sa programang ito, bibigyan ng pangontra ang mga paslit sa pagtatae na tinatayang dahilan ng pagkamatay ng 3,500 bata bawat taon.
Sa ganitong programa, mababawasan ang bilang ng mga batang maagang nililisan ang mundo. Hindi nga kailangan na maging ama para maipakita ng isang tao ang pagmamalasakit sa mga bata.
Pero batid ni PNoy ang hirap na pinagdadaanan ng mga taong may sakit na kanser dahil ito ang kumitil sa buhay ng kanyang inang si ex-President Cory Aquino, kaya naman suportado niya ang pagkakaloob ng tulong sa mga nakikipaglaban sa delikadong karamdaman.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
|
Friday, July 6, 2012
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment