Tunay na report! | |
REY MARFIL
Hindi dapat ipagtaka kung mas mahaba ngayon ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino kung ikukumpara sa kanyang naunang dalawang SONA.
Kapag ikinumpara sa naunang dalawang SONA ni PNoy na halos tumagal lang ng tig-isang oras, ngayo’y umabot ng halos isa at kalahating oras. Ang rason -- ipinaalam lang ng Pangulo ang sitwasyon ng bayan at kanyang mga planong gawin ngayong taon, kasama na sa kanyang ulat ang mga nagawa sa loob lamang ng dalawang taon.
At hindi rin katulad ng nauna niyang dalawang SONA na matitindi ang mga banat sa pinalitan niyang administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, ngayo’y pahapyaw na lang ang ginawang pagpuna ni PNoy sa mga umano’y kapalpakan na ginawa o kapabayaan ng dating gobyerno.
Kung tutuusin, binalikan lang ni PNoy ang nakaraang administrasyon para ikumpara ang mga nagawa ng kanyang administrasyon. Ipinakita lang niya na kung gumagastos ang nakaraang administrasyon ng isang milyon para sa isang proyekto, ‘yun pala’y magagawa ang proyekto sa mas murang halaga at mas mabilis pa ngayon.
Gaya na lang halimbawa ng pagpapailaw sa mga barangay. Ang ginawa umano ng dating administrasyon, kahit ang barangay hall lang ang nailawan, ikinunsidera na isinama sa bilang ang buong barangay. Kaya naman ang ini-report ay 99% na ng mga barangay sa bansa ang nailawan kahit hindi naman pala. Take note: magkaiba ang barangay at sitio.
At nang atasan ni PNoy ang Department of Energy at National Electrification Administration na pailawan ang 1,300 sitios sa pondong P1.3 bilyon ang napailawan nila ay 1,520 sitios, at may sukli pa dahil umabot lang sa P814 milyon ang kanilang gastos.
***
Napag-usapan ang SONA, isa pang halimbawa ang datos ng tourism arrival. Kung mula 2001 hanggang 2010 ng administrasyong Arroyo (9-taon), ito’y umabot lamang sa 1.8 milyon ang tourist arrival sa Pilipinas.
Nang dumating ang Aquino government, naglalaro ngayon sa 3.1 milyon sa loob lang ng dalawang taon. ‘Di hamak na malayo ang 2-taon sa 9-taon, maliban kung “row four” sa arithmetic at malapit sa basurahan ang mga kritiko ni PNoy?
Maliban sa napakaraming programa at proyektong nagawa ni PNoy sa loob pa lamang ng dalawang taong administrasyon, malinaw na inilatag ng pamahalaan ang mga gabay na nais niyang gawin sa susunod na mga taon ng kanyang liderato.
Nakasentro ang mga ito sa pagpapalakas pa lalo ng sumisigla na nating ekonomiya dahil sa pagbabalik ng kumpiyansa ng mga dayuhang namumuhuan hanggang sa pamumuhunan sa edukasyon para sa mga kabataan sa pamamagitan ng dagdag na pondo sa mga State Colleges and Universities, at pagpapatayo pa ng mga paaralan. Isama pa ang pagpapalakas ng militar para protektahan ang teritoryo ng bansa at ng kapulisan para labanan ang mga kriminal.
Ngunit sa kabila ng mga ito, nandiyan pa rin siyempre ang mga pagpuna o pagbatikos at hindi mawawala ang mga kritiko ni PNoy. Asahan na marami pa rin silang “kiyaw-kiyaw”, asahan ang reklamo, asahan na maghahanap ng butas kahit sing-liit na ng karayom. Ang suggestion ng mga kurimaw:
Kung walang nakikitang pagbabago ang mga kritiko ni PNoy, bakit hindi magmartsa sa Mendiola at ilagay sa placard na ibalik ang dating administrasyon kung ikaliligaya ng mga ito!
Ang oposisyon ay hindi mo maaasahan ng pupuri sa ibinabalita ng administrasyon at ito’y nalalaman ni PNoy at lalong kinikilala ng Pangulo ang karapatan ng mga ito. Ang reklamo lamang ni Mang Gusting, ano pa nga ba ang papel ng OPOSISYON sa ating lipunan kundi ang “umupo” at “pumosisyon”.
Sa simpleng eksplanasyon, sadyang taga-kontra ang oposisyon pero ‘yan nama’y indikasyon na buhay na buhay ang demokrasya, dangan lamang nakapikit ang mga mata kahit merong nakikitang pagbabago sa gobyernong itinitimon ni PNoy.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
|
Wednesday, July 25, 2012
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment