Monday, July 16, 2012

Bumaba!




Bumaba!
REY MARFIL





Sa pamamagitan ng kautusan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino, maganda ang pagsunod ng Highway Patrol Group (HPG) ng Philippine National Police (PNP) sa pagpapababa ng bilang ng mga insidente ng pagnanakaw ng sasakyan at carjacking sa bansa.
Ngayon, masasabing hindi na masyadong abala sa pagnanakaw ng mga sasakyan ang mga tirador matapos bumagsak nang husto ang bilang ng mga insidente sa unang anim na buwan ng taon kumpara sa parehong panahon noong 2011.
Sa ulat ni Supt. Edwin Butacan, HPG spokesperson, napag-alamang 547 kaso ng pagnanakaw ng mga sasak­yan sa buong bansa mula Enero hanggang Hunyo kumpara sa 739 kaso sa unang anim na buwan ng 201, katumbas ang 26% pagbaba.
Naramdaman ang pinakamalaking pagbaba sa kaso ng nakawan ng sasakyan nitong nakalipas na buwan ng Hunyo kung saan naitala lamang ang 49 insidente, mas mababa ng 69% mula 159 na kaso noong Hunyo 2011. Kaya’t makatwirang batiin ang PNP sa tagumpay na ito at inaasahan nating mas bababa pa ang bilang hanggang matigil na sa pamamagitan ng kautusan ni PNoy.
Hindi lang ‘yan, ginagawa ni PNoy ang lahat ng paraan upang makamit ang hustisya sa lalong madaling panahon para sa mga biktima ng 2009 Maguindanao massacre patuloy at walang humpay ang maigting na panawagan ng administrasyong Aquino sa hudikatura na bilisan ang paglilitis at resolusyon ng Maguindanao massacre case.
Sa kabilang banda, hindi naman natin masisisi si Myrna Reblando, biyuda ng napatay na mamamahayag na si Alejandro ‘Bong’ Reblando, na napabalitang lumabas na ng bansa at naghahanap ng asylum dahil talaga namang marami itong pinagdaanan matapos ang masaklap na trahedya.
Dating mamamahayag si Reblando sa Manila Bulletin na kabilang sa 32 journalists na napatay sa masaker na nangyari sa lalawigan ng Maguindanao noong Nobyembre 2009.
Sa pagsusumikap ng pamahalaan, 96 suspek sa 2009 Maguindanao massacre ang nasa kostudiya ng kapulisan at hinahabol pa sa ngayon ang tinatayang 100 iba pa na nagtatago sa batas.
Hindi rin natin mapipilit ang mga kaanak ng mga biktima ng masaker sa kanilang karapatan na magdesisyon kung sasailalim sa seguridad na inaalok ng pamahalaan sa ilalim ng Witness Protection Program (WPP).
Ang malinaw, hindi papayag si PNoy na hindi magkaroon ng hustisya ang mga biktima ng karumal-dumal na krimen.
***
Napag-usapan ang mga aksyon ng gobyerno, masigasig si PNoy sa paghahanap ng solusyon upang mapababa ang halaga ng kuryente sa bansa at matiyak na merong sapat na suplay nito para sa kapakinabangan ng bansa, kabilang ang sektor ng negosyo.
Puntirya ng Punong Ehekutibo na magkaroon ang bansa ng kakayahan na maglagay ng tinatawag na base load plants upang maging reasonable ang halaga ng kuryente.
Sa pamamagitan ni Energy Secretary Rene Almendras, patuloy ang pagsusumikap ng pamahalaan na mahimok ang mga mamumuhunan na maitayo ang base load generation expansion na susi sa pagpapababa sa halaga ng kuryente.
Ikinokonsiderang murang pinagmumulan ng kuryente ang base load plants kung saan gumagamit naman ang bans­a ng non-base load plants o ang mas mahal na fuel plants kaya naman nagiging mahal ang halaga ng kuryente. Ginagawa ni PNoy ang lahat para makumbinsi ang mga mamumuhunan na magtayo ng mga plantang mag-aalok ng murang halaga ng kuryente.
Kamakailan, inanunsiyo  ni Sec. Almendras na lumalagda ang pamahalaan sa mga kontratang nag-aalok ng murang generation charge kung saan mayroong bagong coal-fired plant na mag-aalok ng P4.25 kada kilowatt hour na serbisyo mula sa P5.35 o P1.10 na mas murang generation charge.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: