Tagumpay! | |
REY MARFIL
Malaking tagumpay sa kampanya laban sa katiwalian ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang pagsasampa ng kasong pandarambong sa Sandiganbayan laban kina dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, Manoling Morato at walong iba pa kaugnay sa umano’y pagbulsa sa P365,997,915 pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ipinapakita rito na walang sinasanto ang pamahalaan sa paghahabol ng mga tiwali, mayaman ka man o maimpluwensiya, dapat managot at humarap sa hustisya na pambihirang bagay na nangyayari sa mahabang panahon.
Lalong pinalalakas nito ang katatagang pulitikal ni PNoy na positibo naman sa mga taong matagal nang naghahanap ng hustisya dahil sa pang-aabuso ng tiwaling mga pampublikong opisyal.
Nag-ugat ang umano’y maling paggugol sa pampublikong pondo sa confidential at intelligence funds ng PCSO sa ilang pagkakataon mula Enero 2008 hanggang Hunyo 2010.
Bukod kay Mrs. Arroyo, kabilang sa kinasuhan sina dating PCSO Board of Directors chairman Sergio O. Valencia; dating PCSO general manager Rosario C. Uriarte at ilan pang PCSO directors; at si dating Commission on Audit chairman Reynaldo A. Villar.
Nag-ugat ang kaso sa reklamong isinampa noong Hulyo 2011 nina dating Akbayan partylist Rep. Ana Theresia H. Baraquel, retiradong B/Gen. Danilo Lim at Atty. Jaime Regalario ng Kilusang Makabayang Ekonomiya.
Ang panawagan ni Mang Gusting, dapat kumilos nang mabilis ang prosecutors para matiyak na mananagot ang dating mga opisyal ng PCSO at COA at mananatiling haharap sa paglilitis.
Sa hanay ng mga akusado, tanging si Mrs. Arroyo lamang ang nasa kostudiya ng pamahalaan kahit pinagpiyansa ng Pasay court -- isang patunay na hindi nanghihimasok ang Malacañang, katulad ng ibinibintang ng kabilang kampo, maliban kung naging gawain sa nagdaang siyam taon kaya’t naiisip ang ganitong senaryo?
Bagama’t nakalaya, ito’y pansamantala lamang sa bisa ng P1 milyong piyansa, hindi makakatakas si Mrs. Arroyo dahil merong umiiral na Hold Departure Order (HDO) laban sa kanya.
At hindi ikinagulat ng mga kurimaw kung napakabilis maglabas ng P1 milyon ni Mrs. Arroyo -- ito’y barya lamang, hindi katulad ng isang mahirap na “nagbabahay-bahay” para isanla ang titulo ng lupa, mailabas lamang ng rehas ang sinumang kapamilyang napreso.
Ngunit, maaari namang umalis ng bansa ang mga kasamahan nitong mga akusado sa kasong pandarambong. Pero dapat magsumikap ang prosecutors ng pamahalaan na mapanatili si Uriarte sa pagharap sa hustisya dahil maaari itong maging state witness laban sa dating Pangulo.
Dapat ding kumpiskahin ang mga ari-arian ng mga akusado na hinihinalang bahagi ng posibleng nakaw na yaman sakaling mapatunayang nagkasala sila.
Dahil sa mahabang proseso ng karapatan sa due process, nagsisilbing oportunidad naman ito para maitago ng mga akusado ang hinihinalang mga nakaw na yaman. Kaya dapat lamang na lalong bilisan ang paglilitis sa ngalan ng interes ng bansa.
Makatwiran ding batiin si PNoy sa pagpapakita ng hindi matatawarang determinasyon na papanagutin ang hinihinalang mga tiwaling pampublikong mga opisyal.
***
Anyway, makatwirang bombahin ang pambobomba sa Mindanao -- isang malinaw na pagtatangka upang pigilan ang mga reporma sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) sa ilalim ng matuwid na daan ng administrasyong Aquino.
Naiulat ang isang pambobomba sa ARMM nakaraang linggo na nakasugat sa dalawa katao na idinidikit ng mga awtoridad sa nagaganap na voter’s registration sa rehiyon.
Talaga namang hindi natin maiiwasan na mayroong mga taong hindi matanggap ang magagandang mga pagbabago sa ARMM na ipinapatupad sa pamamagitan ni officer-in-charge Gov. Mujiv Hataman.
Siguradong marami na ang nasasaktan sa mga nangyayaring reporma sa rehiyon at naniniwala tayong lalo pang magpupursige ang administrasyong Aquino. Dapat papanagutin ng kapulisan at mga sundalo ang mga nasa likod ng pag-atake.
Kumbinsido ang mga awtoridad na nais lamang ng dalawang pagsabog na nangyari sa mga lugar ng Shariff Aguak at Datu Hofer sa Maguindanao na takutin ang mga residente kaugnay sa nagaganap na pagrehistro ng mga boto sa ARMM.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
|
Friday, July 27, 2012
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment