Epekto ng biyahe! | |
REY MARFIL
Malaking tagumpay sa ngalan ng seguridad ng bansa ang pagbisita ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa United Kingdom of Great Britain at Northern Ireland at United States.
Kahit hindi humingi ng suporta upang hindi naman mairita ang China kung hihingi tayo ng saklolo, mismong si British Prime Minister David Cameron ang nagpahayag ng simpatya sa bansa kaugnay sa tensyong dulot ng bangayan sa teritoryo sa Panatag (Scarborough) Shoal sa isinagawang bilateral meeting nito kay PNoy.
Nagmula kay Cameron ang inisyatibo na talakayin ang isyu sa pakikipag-usap nito kay PNoy na umayong tama ang inisyal na kasunduan ng Pilipinas at China na alisin ang kani-kanilang mga sasakyang-pandagat sa tensyonadong teritoryo base sa kanilang pinagsamang pahayag na inilabas sa media.
Kailangang mapanatili ang malaya at ligtas na pagdaan ng mga barko sa West Philippine Sea na isang malaking konsiderasyon na dapat itinataguyod ng lahat ng bansa sa mundo dahil kritikal ang ruta sa larangan ng negosyo at pamumuhunan.
Nagkasundo rin ang dalawang lider na resolbahin at labanan ang nagbabagong klima, transnational crime at terorismo, human trafficking at child exploitation, armas nukleyar, at pagmintina sa pandaigdigang kapayapaan at kaligtasan.
***
Napag-usapan ang working visit -- sa US, tiniyak naman ni Pangulong Barack Obama kay PNoy ang suporta ng kanyang pamahalaan sa layunin ng bansa na mabuo ang malakas na pagdepensa nito sa teritoryo, isang patotoo na makabuluhan ang bawat pakikipagtalamitan ni PNoy sa mga dayuhang lider.
Sa pinagsamang pahayag sa pagtatapos ng tatlong araw na pagbisita sa Washington, kapwa sinabi ng dalawang lider ang kanilang paninindigan sa pagsusulong ng katatagan at kapayapaan sa rehiyong Asya-Pasipiko at Philippine-US Mutual Defense Treaty (MDT).
Hindi lamang usaping militar at ekonomikal ang tinalakay sa kanilang pulong kundi maging ang mga isyung pang-rehiyon katulad ng pagtiyak ng malakas na internasyunal na pamantayan sa usapin ng agawan sa teritoryo at pagpapanatili ng malakas na kooperasyon ng US sa Pilipinas at China.
Sa joint statement nina PNoy at Barack, iginiit ng dalawang (2) lider ang kahalagahan ng prinsipyo ng malayang paglalayag, respeto sa internasyunal na mga batas, at hindi mapipigilan, ngunit umaayon sa batas na komersyo.
Nagkasundo rin ang US at Pilipinas na palawakin ang kanilang bigayan ng mahahalagang impormasyon at kooperasyon sa pagtiyak ng seguridad sa katubigan.
Bagama’t hindi binanggit ng US ang eksaktong ayudang ipagkakaloob nito sa bansa sa usaping militar para mapalakas ang depensa nito, malinaw na suportado ang Pilipinas ng US.
Hindi lang ‘yan, naging mabunga rin ang pagbisita ni PNoy sa United Kingdom of Great Britain at Northern Ireland at United States (US) matapos makakuha ng $2.5 bilyon o P100 bilyong pamumuhunan na makakatulong upang lalong sumulong ang ekonomiya ng bansa na nakapagtala ng 6.4% paglago sa unang tatlong (3) buwan ng 2012.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
|
Friday, June 15, 2012
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment