Monday, June 25, 2012





Maraming nabago!
REY MARFIL



Positibong bagay sa inilulunsad na reporma sa sistema ng edukasyon ang pagkakasama ng limang (5) unibersidad sa hanay ng 300 nangungunang unibersidad sa buong Asya base sa pananaliksik ng international research organization na Quacquarelli Symonds Intelligence Unit (QSIU).
Nangunguna pa ring pinakamahusay na unibersidad sa Pilipinas ang University of the Philippines (UP) sa Diliman, Quezon City na nasa ika-68th spot na sinundan ng ika-86th spot ng Ateneo de Manila University (ADMU) habang 142nd naman ang De La Salle University (DLSU) at 148th ang University of Santo Tomas (UST).
At sa kauna-unahang pagkakataon, pumasok ang University of Southeastern Philippines (USEP) sa Davao City bagama’t hindi ito nabigyan ng partikular na ranggo, isang patunay kung gaano kahusay ang mga unibersidad sa Pilipinas.
Sa pahayag ng QSIU, ibinase ang ranggo ng mga uni­bersidad sa mga sumusunod: 30% para sa academic re­putation, 30% sa mga papeles ng bawat faculty at citations per paper, 20% ng faculty-student ratio, 10% ng employer reputation, at 10% halaga ng international faculty, estud­yante at inbound at outbound exchange students.
Magandang sorpresa ang pagkakasama sa listahan ng USEP at patunay na talagang umaangat ang kalidad ng edukasyon sa bansa lalo na sa hanay ng mahigit sa 110 state universities and colleges (SUCs).
Bagama’t hindi ikinokonsidera ng Commission on Higher Education (CHED) na panukat ang resulta ng pana­naliksik ng QSIU sa pagdetermina ng kalidad ng edukas­yon sa bansa, nangangahulugan pa rin ito ng magandang balita sa repormang isinusulong ng administrasyong Aquino.
***
Napag-usapan ang good news, produkto ng magandang repormang ipinapatupad ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang pagkilala sa Pilipinas bilang isa sa limang (5) bansa sa mundo na nagkaroon ng magandang pagbabago para sa taunang ulat ng 2012 Global Peace Index (GPI) kaugnay sa pagsusulong ng kapayapaan.
Inilalagay sa ranggo ng Institute for Economics and Peace (IEP), nangangasiwa ng GPI, ang 158-nasyon sa usapin ng pagkakaroon ng mabuting pagbabago sa paglaban sa panloob at panlabas na problema, pagtiyak ng kaligtasan at pagresolba sa internasyunal na iringan at militarisasyon.
Sa ika-anim na taon, sinukat ng GPI ang antas ng kaligtasan at seguridad sa lipunan at lawak ng magagandang mga nagawa sa pagharap sa panloob at panlabas na mga suliranin -- ito’y sinukat base sa antas ng ginagastos ng bansa para sa militar at antas ng paggalang sa karapatang-pantao.
Sinukat din ang kakayahan ng bansa sa pagdetermina ng kapayapaan, kabilang ang antas ng demokrasya at transparency, edukasyon at iba pang mabubuting kata­ngian ng isang nasyon.
Dahil sa magandang mga nangyayari sa Pilipinas, uma­ngat ang bansa sa ika-133 rank ngayong taon mula sa ika-135th  noong 2011 base sa pagtataya ng IEP sa GPI 2012.
Tinukoy ng IEP ang tagumpay ng bansa sa apat na mga bagay na kinabibilangan ng pagbaba sa homicide rate, bilang ng kamatayan dahil sa panloob na iringan, marahas na demonstrasyon at insidente ng terorismo.
Naunang iniulat ng Philippine National Police (PNP) na 24% ang ibinaba sa antas ng krimen noong 2011 kumpara noong 2010. Nakita rin ng PNP ang pagbaba ng kabuuang antas ng krimen sa 16.77% sa unang tatlong (3) buwan ng 2012 kumpara sa parehong panahon noong nakalipas na taon.
Makatwirang papurihan ang masigasig na trabahong ginagawa ng administrasyong Aquino sa pagsusulong ng mga reporma sa ilalim ng matuwid na daan na kampanya.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: