Wednesday, June 6, 2012





Tumibay pa!
Rey Marfil



Lalong tumibay ang kampanya ni Pangulong Noynoy Aquino kontra kahirapan matapos aprubahan ng Asian ­Development Bank (ADB) ang pagpapalabas sa P480 milyon para sa lalawigan ng Albay.

Gagamitin ang pondong ipalalabas ng ADB sa Albay para sa implementasyon ng Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive at Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS) na programa. Take note: 6.4% ang naitalang economic growth kaya’t abot-tenga rin ang ngiti ni Gov. Joey Salceda!

Konektado ang programang KALAHI-CIDSS sa ipinapatupad na conditional cash transfer (CCT) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Naunang nailabas naman ng pamahalaan ang P318.5 milyon para sa pagpapabuti ng pasilidad ng ospital sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Tunay na aktibong napakikinabangan ang matuwid na daan ni Pangulong Aquino para isulong ang interes at kagalingan ng mas hindi pinalad na mga tao sa bansa.

***

Napag-usapan ang aksyon ng gobyerno, tama at uma­ayon sa mga batas at Konstitusyon ang inilabas na legal na opinyon ng Civil Service Commission (CSC) na dapat makatotohanang ideklara ng mga pampublikong opisyal at kawani sa kanilang statement of assets, liabilities and net worth (SALN) ang lahat ng kanilang bank accounts kahit nasa peso, dollar o anumang dinominasyon ito.

Base sa Republic Act (RA) No. 6713 of 1989 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, dapat manatili ang pananagutan ng mga tao sa pamahalaan, lalung-lalo na ang pinatalsik na si Chief Justice Renato Corona na humahawak ng sensitibo at ika-apat na pinakamataas na posisyon sa bansa.

‘Ika nga ni Mang Kanor: Mali naman talaga ang pa­nanaw ni Corona sa R.A. No. 6426 of 1974 o ang Foreign Currency Deposit Act of the Philippines na naggagarantiya sa confidentiality ng dollar deposits para lamang palusutin ang hindi nito pagdedeklara sa kanyang SALN ng malaking halaga ng kanyang kayamanan.

Kinontra ni Krunimar Antonio Escudero III, acting chief ng Office for Legal Affairs ng CSC, ang maling pananaw ni Corona sa batas lalo’t tiningnan niya ito para palusutin ang kanyang pagtatago ng kayamanan.

Iginiit ng opisyal ng CSC ang Article XI, Section 17 ng Saligang Batas ng 1987 na mahigpit na nagtagubilin na “public officer or employee shall, upon assumption of office and as often thereafter as may be required by law, submit a declaration under oath of his assets, liabilities, and net worth.”

Nakakahiya ang lihis at baluktot na pananaw ni Corona para lamang makapagpalusot sa matinding pagkakanulo nito sa tiwala ng publiko.

Isipin na lamang natin na ipapasok na lamang ng mga magnanakaw na pampublikong mga opisyal sa dollar accounts ang kanilang tagong yaman para lamang maka­lusot katulad ng gustong palabasin ni Corona.

Hindi naman ganito ang ibig ipakahulugan ng Foreign Currency Deposit na nagnanais lamang protektahan ang banyagang mga deposito sa lokal na mga bangko.

Nakakalungkot at nakakapanghilakbot na ganito ang pananaw ni Corona sa mga batas at Konstitusyon para pagsilbihan ang maling pinaggagawa nito. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.”
(mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: