Monday, June 4, 2012





Good choice!
REY MARFIL





Siguradong makakatulong sa pagpapasigla ng ­ekonomiya at pagbibigay ng karagdagang mga trabaho ang pahayag ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino kaugnay sa paglikha ng P25-bilyong “investment fund” sa pamamagitan ng Government Service Insurance System (GSIS) para sa mga proyektong imprastraktura.
Tatawagin itong Philippine Investment Alliance for ­Infrastructure (PInAI) na makikilala bilang pinakama­laking solong pamumuhunan sa imprastraktura na ilu­lunsad ngayong Hulyo para lalong mapabuti ang kalagayan ng mga imprastraktura sa bansa.
Makikipagtulungan ang GSIS sa Macquarie Group na isang global provider sa pagbabangko na mayroong 70 opisina sa 28 bansa para matiyak ang tagumpay ng proyekto.
Talagang isinusulong ni PNoy ang libre sa katiwaliang mga proyekto para sa kaunlaran ng ekonomiya sa buong bansa sa pamamagitan ng paglikha ng maraming trabaho sa mga Filipino.
Hindi lang ‘yan, namamayagpag din ang matuwid na daan ni PNoy sa larangan ng pagpapataas sa kakayahan ng security forces ng bansa na magkaloob ng mas ­epektibong serbisyo sa publiko.
Nakaraang taon, bumili ang administrasyong ­Aquino ng 144 patrol jeeps, 100 patrol utility vehicles, 182 motorcycle units, 500 assault rifles, 148 40mm na ­grenade launchers, at 57 squad automatic weapons para sa ­Philippine National Police (PNP).
Bukod dito, responsable rin ang pamahalaan sa ­konstruksyon ng 21,800 housing units noong nakaraang taon at karagdagang 31,200 yunit na gagawin ­naman ­ngayong 2012 upang ibalik ang serbisyo ng ating mga kapulisan.
Tunay na positibong resulta ito ng mga ­repormang isinusulong ng liderato ni PNoy.
***
Napag-usapan ang good news, mismong dalawang (2) kasapi ng 11-man House contingent sa Commission on Appointments (CA) ang nagsabing hindi mahihirapan sa kanyang kumpirmasyon ang bagong talagang ambassador ng bansa sa China na si Sonia Brady.
Nangangahulugan na napili ni PNoy ang tamang ­opisyal sa posisyon base na rin sa mahabang karanasan ni Brady sa diplomatic service na maaaring makatulong sa paghahanap ng mapayapang solusyon sa bangayan sa teritoryo sa Scarborough (Panatag) Shoal.
Sinabi nina Valenzuela Rep. Magtanggol “Magi” Gunigundo I at Nueva Ecija Rep. Rodolfo Antonino, pawang mga kasapi ng CA, na magsisilbing pinaka­mabisang depensa ni Brady sa kanyang kumpirmasyon ang malawak na karanasan nito sa banyagang pakiki­pagrelasyon.
Isa pa sa magandang balita dito ang kawalan ng anumang negatibong isyu laban kay Brady kaya’t mabilis makalusot sa CA, as in hindi man lamang nag-init ang ­silyang inupuan nito.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)


No comments: