Ang buko! | |
REY MARFIL
Panibagong magandang balita na naman ang “blockbuster” na pagluluwas sa ibayong-dagat ng coconut water o buko juice na sumikad nang husto matapos bumisita si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa Estados Unidos ng nakaraang taon para sa promosyon nito bilang mabilis na nangungunang healthy at energy juice.
Sa US, nakipagkita si PNoy sa mga negosyante doon na naglagay pa ng “coconut water processing” sa Camarines Sur bilang isa sa mga pangunahing hakbang para maisulong ang interes at kagalingan ng mga magsasaka ng niyog.
Sa pahayag ng Philippine Coconut Authority (PCA), nakakatuwang marinig na umangat ng 260.55% ang pagluluwas ng sabaw ng buko o $1.32 milyon sa unang tatlong buwan ng 2012.
Sinabi ni PCA Administrator Euclides Forbes na nakapagbenta ang Pilipinas ng 4.49 milyong litro ng buko juice sa unang tatlong buwan o 300% ang pagtaas mula sa 1.12-milyong litro na naibenta sa parehong panahon noong nakalipas na taon.
Ayon kay Forbes, mahihigitan ng pigura sa dami ng maibebentang buko juice ngayong taon ang kabuuang 16.68-milyong litro na nailuwas noong 2011. Nangangahulugan ito ng $15.11 milyong benta.
***
Napag-usapan ang buko, katulad ng nakaraang taon, pangunahing merkado ng buko juice ang US.
Tumaas ng 426.75%, as in $3.94 milyon ang benta ng buko juice sa US sa unang tatlong (3) buwan ng taon.
Ibig sabihin, bumili ang mga Amerikano ng 3.72 milyong litro ng buko juice sa bansa sa first quarter ng 2012 na malayo kung ikukumpara sa 796,887 litro noong 2011 -- ito’y napakalaking pag-angat sa importasyon ng buko.
Hindi lang ‘yan, maganda rin ang pagbebenta ng buko juice ng bansa sa Netherlands na bumili ng 189,800 litro sa unang tatlong buwan ng 2012 kumpara sa 32,000 noong nakalipas na taon, at Australia na nakapagrehistro ng 362.55% ang pagtaas matapos maitala ang 652,919 litrong konsumo.
Dahil sa determinasyon ni PNoy na mapalago ang ekonomiya ng bansa lalung-lalo na sa pagtulong sa mga magsasaka ng niyog, naging popular na energy drink sa ibang bansa ang buko juice dahil na rin sa natural na kalidad nito at kakulangan ng chemical preservatives na pawang mabuti sa kalusugan.
Mayaman ang buko juice sa potassium at magnesium, at nagtataglay ng maraming vitamin B na nakakatulong sa pagpapalakas ng muscles, pampatagal na tamaan ng pagod at pagmintina ng normal na tibok ng puso.
Kinikilala rin ang buko juice na mainam na pinagmumulan ng electrolytes at glucose na mayroong tinatawag na intravenous rehydration. Talagang mabuti ito sa kalusugan at epektibong panlaban para gamutin ang mga bato sa kidney.
Kailangan lamang natin ngayon na magtanim pa nang magtanim ng mga puno ng niyog para kayanin ng bansa na maibigay ang lumalaking pangangailangan sa mga produkto ng niyog.
Sa ganitong bagay, agresibo ang administrasyong Aquino sa pamamagitan ng PCA sa pagpapatupad ng mga programa para palitan ang matatandang mga puno at maging mas “fertile” ang taniman ng niyog.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
|
Monday, June 11, 2012
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment