Friday, June 8, 2012






Inaani ngayon!
REY MARFIL




Muli nating inaani ang matuwid na daan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino matapos lumago nang husto ang ekonomiya ng bansa na sinusukat base sa gross domestic product (GDP).
Umasenso ng 6.4% ang ekonomiya ng bansa sa unang tatlong buwan ng taon na ikinukonsiderang pinakamataas sa Timog Silangang Asya at pangalawa sa buong Asya kasunod ng 8.1% ng China. Ang tanong ng mga kurimaw, ito ba’y matatanggap ng mga kritiko ni PNoy?
Sa paglago ng ekonomiya, nakapagtala lamang ang Singapore ng 1.6%; Thailand, 0.3%; Malaysia, 4.7%; Vietnam, 4%; Indonesia, 6.3%; South Korea, 2.8%; at Japan, 2.8% -- isang patunay na hindi nagkamali ang mayorya sa botong ipinagkatiwala kay PNoy.
Base sa pahayag ng National Economic and Deve­lopment Authority (NEDA), nangangahulugan ang paglago sa ekonomiya ng bansa sa unang tatlong (3) buwan ng 1.101 milyong karagdagang trabaho na nasa industriya ng serbisyo ang karamihan.
Dahil sa magandang diskarte ng pamahalaang Aquino, nakapagtala rin ng 1.15 milyong banyagang turista na dumating sa bansa habang umangat ng 5.4% ang remittances ng overseas Filipino workers (OFWs) na umabot ng $4.84 bilyon, ‘di hamak na malayo sa nagdaang siyam (9) na taon.
***
Napag-usapan ang paglago ng ekonomiya, walang dudang magpapatuloy sa buong taon ang magandang takbo ng ekonomiya ng bansa dahil sa masigasig na pagsusumikap ng administrasyong Aquino sa promosyon ng transparency at makatotohanang reporma sa pamamagitan ng malinis na pamamahala para lalong mahikayat ang mga mamumuhunan na magnegosyo sa bansa.
Malinaw na kayang-kayang makuha ang lima (5) hanggang anim (6) na porsyentong target na paglago sa ekonomiya ng bansa sa pagtatapos ng taon kung maayos at makatwiran ang paggasta ng pondo.
Lumago ang ekonomiya dahil na rin sa mataas, ngunit matalinong paggugol ng pamahalaan sa pampublikong pondo, mataas na konsumo ng pamil­yang Filipino, pagbawi ng kita sa pagluluwas ng mga produkto, at pagtaas ng pamumuhunan ng pribadong sektor.
Sinuportahan ang pagtaas sa pamumuhunan ng mababang interest rates at maliit na inflation rate na nakatulong upang maging reasonable ang bank loans at production inputs.
Noong huling bahagi ng 2011, inihayag ng pamahalaan ang P72-bilyong stimulus package upang bawasan ang masamang epekto sa ekonomiya ng krisis na nangyayari sa Europa -- ito’y hindi kaila sa mga “ex-housemates” na nagpalubog sa utang ng gobyerno.
Dapat tayong magpasalamat sa malakas na political will ni Pangulong Aquino sa pagsusulong ng mga pagbabago at reporma na pinakikinabangan ngayon ng mga Filipino.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: