Wednesday, June 20, 2012





2 vs 1 sa CCT!
REY MARFIL



Mahigit dalawang (2) milyong mahihirap na pamilya na may mga batang nag-aaral sa elementarya ang nakikinabang nga­yon sa conditional cash transfer (CCT) program ng pamahalaan.
Dalawang (2) ibon sa isang putok kung titingnan ang layunin ng programa. Una, ang mabigyan ng pinansiyal na ayuda ang mga mahihirap para makatawid ng kanilang pagkain; at ikalawa, ang mapanatili sa loob ng paaralan ang mga bata.
Isa sa rekisitos ng programa -- ang obligahin ang magulang na panatilihin na nag-aaral ang kanilang mga anak para makinabang sila sa programang ito na nilaanan ngayon ng halos P40 bilyon sa 2012 budget.
Hindi katulad ng nagdaang administrasyon nang ipinatupad ang ganitong programa, sa ilalim ng administrasyong Aquino -- lubos na transparent ang implimentasyon at nasalang mabuti ang mga benepisyaryo para matiyak na talagang mahihirap ang mga nakikinabang.
Nakakalungkot lamang na ang isang matinong programa’y sasakyan ng ibang pulitikong kritikal sa administrasyong ­Aquino dahil kaalyado sila ng nakaraang rehimen na inaakusahang nagwaldas ng pondo ng bayan. Take note: hindi ba’t nagsawa sa kaiimbestiga ang Upper House sa dami ng eskandalo?
Gaya na lamang ng ilang kritiko na naghahangad na mapunta sa mas mataas na posisyon sa susunod na eleksyon, ipinatiti­gil ang implementasyon ng CCT program dahil sa hindi naman daw nabawasan ang mga mahihirap at nagugutom. Ang tanong ng mga kurimaw: meron bang maialok na alternatibong solus­yon ang mga nagmamagaling na ito, hindi ba’t wala?
Ang spin ng mga kritiko ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino -- may mga mahihirap na tamad daw ang nakikinabang sa programa dahil tumatanggap ang mga ito ng pera mula sa gobyerno nang walang hirap. Bakit hindi raw ilaan ang pondo sa scholarship program? Kung tutuusin, masakit na paratang sa mga mahihirap na akusahang “tamad” dahil “walang tamad na Pinoy”!
Nagkakataon lamang na walang oportunidad sa kanilang lugar para makapagtrabaho ang mga ito.
Kaya naman gumagawa ng hakbang ang gobyerno na kahit papaano’y maibsan ang kanilang hirap at maipagpatuloy ng mga bata ang kanilang pag-aaral.
***
Napag-usapan ang CCT, sabihin man natin na marami pa rin ang naghihirap at nagugutom kahit pa ipinatutupad ang CCT program, isipin na lang natin kung wala ang programang ito.
Hindi ba’t mas marami pa ang magugutom at maghihirap? Hindi lang iyon, matitigil din sa pag-aaral ang mga bata -- ito ba’y kayang pag-aralin ng mga umaastang “henyo” para uma­ngat ang popularidad.
Hindi rin marahil batid ng ilang senatoriables na mayroong hiwalay na programa ang pamahalaan para sa scholarship ng mga mahihirap na mag-aaral sa kolehiyo sa ilalim din ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program, na nakalinya rin sa CCT.
Ang mga naglalabasang survey tungkol sa self-rated ­poverty at hunger ang ginagamit na basehan ng mga katulad ng ilang kritiko ng gobyerno para atakihin ang mga programa ng pamahalaan.
Subalit kung sisilipin, mapupuna na nagkakaroon ng pagtaas sa bilang ng mga naghihirap at nagugutom sa mga lugar na kaunti lang ang benepisyaryo ng CCT program.
Kung kahirapan at gutom ang pag-uusapan, hindi lang naman kawalan ng trabaho ang posibleng dahilan nito, nandiyan ang kalamidad na maaaring puminsala sa kanilang kabuhayan.
Kaya naman dapat gawin ng pamahalaan na lawakan o dagdagan pa ng gobyerno ang makikinabang sa CCT program kung kailangan. At kung kailangang dagdagan ang pondo ay dapat lang naman na gawin.
Pero higit sa lahat, ang mas dapat bigyan ng pansin dito’y ang kakayahan na ngayon ng pamahalaan na magkaloob ng pinansiyal na tulong sa mga mahihirap nating kababayan dahil na rin sa magandang pamamahala ng kasalukuyang gobyerno.
At ang pagtitiwala ng mga tao na ang pondong gugugulin sa makabuluhang programa -- ito’y hindi mapupunta sa bulsa ng iilan, katulad ng nangyari sa nakaraang administrasyon na kaal­yado ng mga nag-iingay kontra CCT.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: