Tuesday, January 24, 2012


Walang bolahan!
REY MARFIL
Nakatuon ang atensyon ngayon ng publiko sa gina­gawang paglilitis ng Senate Impeachment Court kay Supreme Court Chief Justice Renato Corona, na inaakusahang nagtaksil sa pagti­tiwala ng bayan.

May ilan na nangangamba na baka pati ang pamahalaang Aquino’y nakatutok din sa impeachment ni Corona at mapa­bayaan ang ibang problema ng bansa gaya ng kahirapan.

Hindi naman lingid sa kaalaman ng publiko na hindi gusto ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na manatili sa kanyang puwesto si Corona bilang Punong Mahistrado ng Korte Suprema.

Ang disgusto ni PNoy kay Corona, ito’y hindi dahil sa hindi siya ang nagluklok kay Corona bilang lider ng SC, kundi dahil sa itinuturing na “midnight” appointment ang nangyaring pagtatalaga sa kanya ni dating Pangulong Gloria Arroyo.

Bukod dito, may nakikitang pattern ang administrasyong Aquino na tila kinikilingan at pinoprotektahan ni Corona ang pamilya ni Arroyo, batay na rin sa mga naging desisyon ng SC sa mga kasong may kaugnayan sa dating pangulo.

Mabilis namang pinawi ng pamahalaang Aquino ang pa­ngamba ng ilan na baka mawala sa focus ang gobyerno sa pagharap sa iba pang suliranin ng bayan. At mukha namang totoo ang pahayag na ito.

***

Napag-usapan ang maling pangamba ng publiko at espekulasyon ng mga kritiko, patuloy ang paglakas ng kalakalan sa merkado na indikasyon ng matatag na pulitika sa bansa. Take note: malaki rin ang nabawas sa bilang ng mga Pinoy na naniniwalang mahirap sila, batay naman sa pinakahuling survey na ginawa ng Social Weather Station (SWS) sa huling bahagi ng 2011.

Sa naturang survey ng SWS na ginawa noong December 2011, lumitaw na 45 percent ng 1,200 respondents ang nagsabing mahirap sila -- ito na ang pinakamababang bilang na naitala ng SWS, o dalawang porsyento (2%) lamang ang layo sa all time low (43%) na naitala noong 1987 sa ilalim naman ng termino ni dating Pangulong Cory Aquino -- ina ni PNoy.

Sa kabila ng pagbaba ng bilang ng mga nagsasabing mahirap, nagpahayag naman ang Malacañang na ipagpapatuloy nila ang mga nakalatag na programa sa pagbaka sa kahirapan ng bansa. At isa na diyan ang pagsugpo sa katiwalian, na alinsunod sa slogan ni PNoy na -- “kung walang korap, walang mahirap.”

Bukod sa paglutas sa kahirapan, nakatutok din ang pamahalaang Aquino na bigyan ng “maliwanag na daang matuwid” ang mga mamamayan sa lahat ng barangay sa bansa.

Pero hindi katulad ng nagdaang administrasyong Arroyo na ibinida noon na 95% ng mga barangay sa bansa ang may pailaw, nais ni Aquino na gawin ang programang ito nang walang ­bolahan, hindi lokohan.

Lumitaw kasi sa ginawang pag-aaral ng Department of ­Energy (DOE) na kahit isang sitio lamang ang nabigyan ng pailaw ng administrasyong Arroyo, isinasama na ito bilang para sa isang buong barangay.

Ang resulta: 30,000 sitio pa ang walang elektrisidad na naiwan sa pamahalaang Aquino. Gayunman, nais ni PNoy na mabigyan ng kuryente ang 90 porsyento ng lahat ng bahay sa Pilipinas pagdating ng 2017.

Ang pagpapailaw (gamit ang solar power) sa may 3,400 kabahayan sa 15 barangay sa malayong lugar ng Polilio Group of Islands sa pamamagitan ng “Project Heart and Soul” electrification project ng DOE at TeaM Energy Corporation -- ito’y katibayan na desidido ang pamahalaang Aquino sa layunin nito.

At sabi nga ni PNoy, ipapaalam niya sa publiko ang kanyang mga plano sa paglutas ng problema, ipapaliwanag kung papaano maaabot ang mga mithiin sa mga araw na darating o buwan. At kahit bumilang man ng taon, ang mahalaga, sasabihin niya ang totoo at walang mangyayaring bolahan.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: