Friday, January 13, 2012



Maraming good news!
REY MARFIL


Makatwirang suportahan ng publiko sa lahat ng pagkakataon ang kampanya ng pamahalaan para mapababa ang antas ng kahirapan sa bansa at mati­gil ang katiwalian.

Aminin o hindi ng mga kritiko, sampu ng mga hindi makapag-move on sa resulta ng 2010 national election, mga nag-aambisyon sa 2013 mid-term election at 2016 presidential election, mapalad tayo sa pagkakaroon ng administrasyong Aquino na determinadong maisaayos ang mga programang ito bilang prayoridad ng gobyerno ngayong 2012.

Katotohanan at hindi pantasya ang adhikain ni Pa­ngulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III na magkaroon ng parehas at masaganang buhay ang bawat Filipino subalit napakaimportante ang kooperasyon ng publiko para makamit ang kinakailangang mga reporma na ibinase sa matuwid na daan nito.

Mas maraming trabaho ngayong 2012 at bilang patunay, sisimulan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang implementasyon ng mga programag nagkakahalaga ng P125.5 bilyon.

Tumaas ng 13.5% ang P125.5 bilyon sa ilalim ng national budget kumpara sa 2011 na pondo na nagkakahalaga lamang ng P110.6 bilyon. Take note: Tututok sa pagpapataas ng kalidad at kaligtasan ng pambansang mga kalsada ang misyon ni Sec.Singson.

Sa 2012 budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH), mapupunta ang P29.7 bilyon sa rehabilitasyon at pagmantine ng pambansang mga kalsada at tulay; P15.9 bilyon sa upgrading at pagsemento ng 809 kilometrong national roads; P38.5 bil­yon para sa konstruksyon ng 6,229 kilometrong bagong kalsada at 15,292 linear meters sa mga bagong tulay.

Malapit nang ipatupad ang programa dahil nai­sagawa ang “procurement activities” sa last quarter ng taong 2011. Higit sa lahat, ginawa rin ang maagang pagsubasta sa proyekto upang magamit ang magandang panahon para sa konstruksyon sa unang tatlong buwan ng taon.

Kabaliktaran sa atungal ng mga kritiko, lalo pang mabubuhay o sisigla ang ekonomiya ng bansa, base na rin sa malilikhang mga trabaho para sa mga Filipino.

***

Napag-usapan ang proyekto, asahang mas marami at aktibong negosyo sa Davao Oriental dahil sa natapos na dalawang farm-to-market road projects ng Department of Agrarian Reform (DAR) na nagkakaha­laga ng P8.5 milyon.

Good news sa mga magsasaka ng LACAMBITA o La Union, Cambaleon, Bitaogan, Talisay, isang agraryong komunidad sa San Isidro, Davao Oriental ang farm-to-market road. Malinaw na mapapataas ang kita ng mga magsasaka sa pamamagitan ng paglaki ng kanilang mga produksyon.

Mahalaga ang kampanya ng pamahalaan na isulong ang kaunlaran at pagpapayabong sa agrarian reform community (ARC).

Ibig sabihin, mas malaki at maganda ang oportunidad na naghihintay sa mga magsasaka sa kanilang transaksyon sa mga negos­yante matapos masemento ang dalawang farm-to-market roads na tinatawag na Junction National Highway hanggang Talisay road at ang Bangkok 1 to Purok Dahlia road.

Makikinabang ang tatlong libong benepisyunaryo ng repormang agraryo mula sa mga kalsada kung saan magiging mabilis ang pagpunta sa mga bukirin at magkakaroon din ng komportableng pagbiyahe ng mga produktong agrikultural at maging ng mga lamang-dagat.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: