Friday, January 27, 2012




Ebidensya ang nagsasalita!
REY MARFIL

Kapuri-puri ang joint project ng administrasyong Aquino sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Habitat for Humanity, at lokal na pamahalaan ng Cagayan de Oro City, na gumawa ng matutuluyan para sa mga biktima ng bagyong Sendong.

Lumagda ang kinauukulan sa isang tripartite agreement para sa konstruksyon ng matutuluyan ng mga biktima sa Calaanan, Cagayan de Oro City kung saan ili­lipat ng DSWD ang P203 milyon sa Habitat for Humanity para sa konstruksyon ng quadruplex houses sa lugar. Take note: makalipas ang 40-days nabigyan ng bahay ang mga pamilyang sinalanta ni Sendong.

Mismong si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang nanguna sa pagtatayo ng bahay sa 9.4 ektaryang lote sa Calaanan bilang permanenteng resettlement site. At hindi biro ang P500 milyong donasyon ni San Miguel Corporation (SMC) big boss Ramon Ang.

Hindi lang ‘yan, halos 50% ng 12 bunkhouses na inilaan ng DSWD at ginagawa ng 52nd Engineering Brigade ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Lumbia, Cagayan de Oro ang natapos at maaaring kumupkop sa 120 pamilya.

Maliban sa resettlement site, mas maraming pamil­yang Filipino ang makikinabang sa kuryente lalo pa’t plano ni PNoy na doblehin ang pondo ngayong taon upang maging P5 bilyon para sa rural electrification.

Ngayong taon, naglaan ang pamahalaan ng P2.5 bil­yon at karagdagang P2.5 bilyon para sa kabuuang P5 bil­yon na malaking bagay sa kampanya ng pamahalaan upang magkaroon ng suplay ng kuryente ang maraming pamilya sa buong bansa.

Makikinabang nang husto ang mga bata sa pagkakaroon ng kuryente dahil inaasahang mapapabuti ang kanilang pag-aaral at makakapagbigay din ng sigla sa negosyo. Rasonable naman para sa kinauukulang mga grupo na suportahan ang magandang programa ng pamahalaan na makapagbigay ng suplay ng kuryente para sa lahat.

***

Anyway, mayroong malakas na basehan para imbestigahan ng Office of the Ombudsman at ilang kinauukulang ahensya ang Supreme Court (SC) na pinamumunuan ni Chief Justice Renato Corona dahil sa umano’y ire­gularidad sa paggugol sa utang na ibinigay ng World Bank (WB) para sa reporma sa hudikatura.

Dapat nating gabayan ang publiko sa pagdetermina kung ginamit ang pondo para sa personal na kapakinaba­ngan. Naglabas ang WB ng pahayag na nagdedetalye sa hindi nararapat na paraan ng paggugol sa pondo ng $24.4 milyong utang para pondohan ang mga reporma sa hudikatura sa ilalim ng Judicial Reform Support Project.

Habang iginigiit ng Chief Justice at Court Administrator at spokesman na si Midas Marquez ang pagiging inosente sa isyu, pinatutunayan ng mga dokumento na talagang nagkaroon umano ng pag-aaksaya sa pondo at binalewala ang alituntunin sa malinis na pamamahala.

Nakaka-iskandalo talaga ang ibinunyag ng WB lalo’t lumalabas na mistulang naging piggybank umano ng Chief Justice ang judicial reform funds para sa kanyang paglalakbay, regalo, pagkain at paglilibang.

Lumabag sa pangunahing alituntunin sa pamahalaan ang Court Administrator na direktang nag-uulat sa Chief Justice nang tumayo itong nag-iisang taga-aprub sa pondo at pinuno ng subasta ayon sa kanyang paggastos.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: