Friday, January 6, 2012





Malinaw ang survey!
REY MARFIL

Tamang direksyon ang hakbang ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III na likhain ang inter-agency task force para gawing simple ang pagbabantay sa ulat kaugnay sa naging performance ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Gagawin ang reporma sa pamamagitan ng Administrative Order (AO) No. 25 na nilagdaan ng Pangulo nitong Disyembre 21 para linangin ang tinatawag na “unified and integrated” Results-Based Performance Management System (RBPMS) sa lahat ng mga tanggapan sa gobyerno.

Sinusuportahan nito ang pangako ng pamahalaan na mas ma­ging epektibo ang proseso at sistema sa mga pampublikong tanggapan at ang paninindigan ni PNoy na isulong ang transparency, accountability at paglahok ng publiko sa epektibong pamamahala.

Sa kasalukuyan, mayroong iba’t ibang pamamaraan ang mga ahensya ng pamahalaan sa pag-uulat at pagdetermina ng kanilang performance sa sangay ng Ehekutibo na nagreresulta sa hindi kailangang mga datos, magkakaibang porma ng ulat, naaantalang pagsusumite, hindi tamang resulta at palpak na ebalwasyon sa pagbabantay ng performance at pag-uulat nito.

Sa ngayon, gumagamit ang oversight agencies ng mga sumusunod na sistema sa National Economic and Development Authority (NEDA), Results Matrix (RM); Department of Budget and Management (DBM), Organizational Performance Indicators Framework (OPIF); Civil Service Commission, Strategic Performance Management System (SPMS); at Career Exe­cutive Service Board (CESB), Career Executive Service Performance Evaluation System (CESPES).

Sa tulong ng inter-agency task force, isang Common Set Performance Scorecard and Government Executive Information System ang lilinangin para matugunan ang suliranin sa kapalpa­kan at doble-dobleng proseso sa performance monitoring system.

Gagamitin ang bagong sistema sa pagdetermina kung karapat-dapat pagkalooban ang kawani ng pamahalaan ng performance-based allowances, insentibo o kompensasyon.

Sa ganitong paraan, mapapalakas ang mga pampublikong instistusyon upang muling maibalik ang tiwala ng publiko sa gobyerno. Nais lamang patunayan ni PNoy na mali ang naging malawakang desperadong pananaw ng publiko bago siya manungkulan na imposible ang reporma sa pamahalaan.

***

Anyway, hindi nakakagulat ang pananatili ng “very good” net satisfaction ratings ni PNoy sa pinakabagong Social Weather Stations (SWS) survey. Dahil sa patuloy na matinong pamamahala para makamit ang matuwid na daan alang-alang sa ka­lagayan ng mahihirap na mga Filipino, inaasahan na mamamantine ang mainit na suporta ng publiko sa kanyang gobyerno.

Isinagawa ang bagong survey ng SWS noong nakaraang Disyembre 3 hanggang 7 kung saan 71% ang satisfied at 13 % ang dissatisfied sa performance ni PNoy, malinaw ang +58 bilang net score -- ito’y napakataas kumpara sa mga dating nanilbihan sa palasyo.

Ipinapakita lamang sa resulta ng survey ang malaking suporta at hindi matatawarang tiwala ng publiko sa liderato ni PNoy at programa nito sa pagsugpo ng katiwalian at pagpapanagot sa mga nagkasala, as in tumaas ang pinakabagong rating ni PNoy ng dalawang puntos mula sa +56 noong Setyembre at 12 puntos mula sa “good” na +46 noong Hunyo.

Tumaas nang husto ang public satisfaction ratings ng Pa­ngulo sa Metro Manila kung saan umangat ito ng 13 points para magkaroon ng “very good” na +54 (70% satisfied at 16% dissatisfied) mula sa “good” na +41 (61% satisfied at 20% dissa­tisfied) kumpara sa nakalipas na quarter.

Pinakamataas ito sa buong bahagi ng Luzon sa antas na “very good” o +60 (72% satisfied at 14% dissatisfied). Napanatili ni PNoy ang “very good” score na +59 sa Visayas o pitong puntos na mataas kumpara sa naitalang +52 noong Setyembre.

Tumaas din ng bahagya ang puntos ng Pangulo sa Minda­nao mula +55 noong nakalipas na Setyembre tungong +56. Na­ging maganda rin ang satisfaction ratings ni PNoy na may ma­rkang “very good” sa urban at rural areas.

Nakakuha ang Pangulo ng +52 (68% satisfied at 16% dissatisfied) sa urban areas at +64 sa rural areas. Naitala rin ni PNoy ng “very good” ratings sa lahat ng socioeconomic classes: +61 (72% satisfied at 11% dissatisfied), 8% pag-angat sa ABC crowd kumpara noong Setyembre; +56 o umangat ng a­pat na puntos sa class E; at +58 (72% satisfied at 13% dissatisfied) sa class D o masa.

Sa mga kalalakihan, nakakuha si PNoy ng +59 (72% sa­tisfied at 13% dissatisfied) o pagtaas ng 5% habang nakapagtala siya ng +57 (70% satisfied at 13% dissatisfied) sa mga kababaihan.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.”(mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: