Wednesday, January 18, 2012
Laging handa!
REY MARFIL
Mapalad ang mga sundalo dahil sa matindi at seryosong paninindigan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na itaas ang kalidad ng kanilang mga buhay at gawing moderno ang mga kagamitan sa propesyon para sa mas maayos at epektibong serbisyo sa publiko.
Kinikilala at binabati rin ng Pangulo ang pagsusumikap at dedikasyon ng bawat sundalo sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa pagdepensa ng bansa sa kasarinlan nito.
Nakakatuwang nasa likod lagi at todo ang suporta ng pamahalaan sa pag-asenso ng mga sundalo katulad ng pagkakaloob ng mura at disenteng pabahay at pagpapaunlad ng mga kampo ng militar sa buong bansa.
Mula sa pagiging tiwaling institusyon, mabilis na nagkakaroon ng reporma sa Armed Forces of the Philippines (AFP) upang maitaas ang propesyunalismo sa institusyon bitbit ang matinding paninindigan na protektahan ang publiko at labanan ang katiwalian sa militar.
Hindi lang ‘yan, ginagawa ng administrasyong Aquino ang lahat para mabawasan ang epekto ng posibleng kakapusan sa suplay ng mga produktong petrolyo dahil sa pagkaipit ng suplay mula sa Iran matapos ang tensyon sa Strait of Hormuz.
Nakahanda ang pamahalaan sa contingency plans nito para maiwasan ang malaking perwisyo sa mga negosyo sa bansa at hindi opsyon sa ngayon ang pagrarasyon ng langis.
Sa katunayan, binubuhay na ng pamahalaan ang Pantawid Pasada Program (PPP) para pigilan ang negatibong epekto sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo dahil sa mga puwersang hindi kontrolado ng pamahalaan.
Naglaan ang Department of Energy (DOE) ng P200 milyon para mabawasan ang epekto sa pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo sa tulong ng PPP para sa sektor ng transportasyon na labis na nangangailangan ng tulong.
Nag-iisang daanan ang Strait of Hormuz ng mga barko na nagdadala ng mga produktong petrolyo mula sa mga bansa sa Arabian peninsula na nagluluwas ng langis sa buong mundo.
Kamakailan, itinaas ng Iran ang tensyon sa Estados Unidos (US) kaugnay sa karapatan na makadaan sa Strait of Hormuz na nagsilbing malaking banta sa maayos at mabilis na pagdaan ng mga barkong mayroong dalang langis.
***
Napag-usapan ang langis, kadugtong ang tubig kung saan nakakatuwang marinig na naghahanda na ang pamahalaan ng plano kung papaano sisimulan ang rehabilitasyon at pagpapalakas ng Angat Dam sa gitna ng mga balitang makakaranas ang bansa ng kakapusan sa suplay ng tubig dahil sa nagbabagong panahon.
Ibig sabihin, kumikilos ang administrasyong Aquino bago pa man magkaroon ng kakapusan ng tubig sa Metro Manila at iba pang panig ng bansa.
Pinag-aaralan na ng kinauukulang mga ahensya, kabilang ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang mga panukala na gamitin ang ilang pinagmumulan ng tubig katulad ng Wawa River sa Marikina; Laiban Dam sa Tanay, Rizal; Sierra Madre at Laguna Lake dahil sa pangamba ng kakapusan, kasama ang kaligtasan ng publiko sa kalidad ng tubig at epekto sa presyo ng serbisyo.
Mapalad tayo sa pagkakaroon ng pamahalaan na mayroong magaling na diskarte sa mga desisyon sa pagharap ng mga suliranin kaya marapat lamang na suklian ito ng publiko sa pamamagitan ng pagpapatindi sa kampanya sa pagtitipid ng tubig.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment