Friday, January 20, 2012
Dami pang trabaho!
REY MARFIL
Matindi ang pagsusumikap ng administrasyong Aquino para maakit ang mga banyagang mamumuhunan at magkaloob ng karagdagang trabaho sa mga Filipino.
Pinangunahan ni Pangulong Noynoy Aquino ang inagurasyon para sa karagdagang center ng outsourcing provider na ExlService Holdings Inc. sa SM Mall of Asia sa Pasay City.
Magbibigay ng karagdagang benepisyo ang pinalawak na operasyon ng ExlService sa pamamagitan ng trabaho, patunay lamang ng patuloy na paglakas sa kumpiyansa ng mga negosyante na mamuhunan sa ilalim ng administrasyong Aquino.
Malaking bagay rin ang plano ng international logistics group na Kuwait and Gulf Link na maglagak ng karagdagang $500 milyong pamumuhunan sa Pilipinas.
Tumawag mismo kay PNoy si KGL Group of Companies Chairman at Managing Director Saeed Dashti kasama si KGL Group Vice Chairman Marsha Lazareva at Investment Director Mark Williams para personal na ipabatid ang kanilang planong palawakin ang negosyo.
Ipinapakita lamang nito na talagang seryoso ang administrasyong Aquino sa kalagayan ng publiko sa usapin ng pagbibigay ng hanapbuhay.
Anyway, dapat tayong manindigan sa likod ng hakbang ng pamahalaan na papanagutin ang mga lokal na opisyal na posibleng nagpabaya sa kanilang tungkulin sa likod ng pinakabagong pagguho ng lupa na naganap sa Compostela Valley na kumitil sa buhay ng mahigit 30-katao.
Hayaan natin ang isang independent commission na magsagawa ng pagsisiyasat kung nagpabaya sa kanilang trabaho ang ilang mga lokal na opisyal para matiyak ang kaligtasan ng kanilang mga kababayan sa mga lugar ng minahan.
Pansamantalang bubuuin ang grupo ng mga imbestigador ng mga tao mula sa Departments of Interior and Local Government (DILG), Environment and Natural Resources (DENR), Mines and Geosciences Bureau (MGB), Office of Civil Defense (OCD), chairman ng Committee on Environment ng Provincial Board at non-government organization (NGO).
Tama lamang at makatwiran na papanagutin ang mga nagpabaya sa kanilang mga trabaho na mistulang hinayaang mangyari ang trahedya.
***
Napag-usapan ang mga aksyon ng gobyerno, muling pinatunayan ng administrasyong Aquino ang paninindigan nitong magkaloob ng de-kalidad na serbisyong pangkalusugan para sa mga Filipino matapos ilunsad sa Tagum City, Davao del Norte ang nag-iisang cancer treatment center sa Mindanao.
Ang aksyon ng gobyerno’y suporta at tugon sa pangako ni PNoy na isulong at itaas ang kalidad ng serbisyong medikal para sa mga Filipino sa buong bansa. Senyales ang inagurasyon ng Nuclear and Radiotherapy Center sa Mindanao Cancer Center, Davao Regional Hospital.
Noong nakaraang linggo, nagningning ang pag-asa sa mga taga-Apokon, Tagum City, partikular sa mga pasyenteng tinamaan ng kanser, lalung-lalo na ang mga hirap na hirap sa buhay para makakuha ng maayos na serbisyong kalusugan.
Inaasahang matutulungan ng makabagong mga kagamitang medikal ang tinatayang 200 libong residente na tinatamaan ng sakit na kanser kada taon.
Take note: Naglaan ang pamahalaan ng P40 bilyon ngayong taon para pondohan ang imprastraktura, kagamitan at kakayahan ng mga doktor sa pagkakaloob ng mas maayos na serbisyong pangkalusugan.
Kasama rin sa programang pangkalusugan ng administrasyong Aquino ang pagtaas sa pondo ng health insurance ng mga tao sa pamamagitan ng PhilHealth mula P3.5 bilyon noong 2011, ito’y itinaas sa P12 bilyon ngayong taon.
Makakatulong ang karagdagang pondo para sa pagkakaloob ng tulong medikal sa 5.2 milyong mahihirap na tinukoy sa pamamagitan ng National Household Targeting System.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment