Monday, January 16, 2012
‘Di porket Mam, magaling!
REY MARFIL
It’s the economy, student! -- ito ang titulo ng isinulat ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na may pitik sa pamamalakad ngayon ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III, kalakip ang paghahambing sa lagay ng ekonomiya ng dalawang administrasyon.
Si Mr. Arroyo’y naging guro ni PNoy sa economics. Kaya may tonong pa-lecture ang paninita sa lagay ngayon ng ekonomiya ng bansa at sa umano’y maling pamumulitika nito na naghahati sa bansa.
Ang katotohanan, mas nakakarami ang sasang-ayon kapag sinabi nating hindi lahat ng guro’y mahusay sa kanilang estudyante.
Kung tutuusin, maraming guro ang natutuwa kapag ang bata na kanilang tinurua’y lumabas na mas mahusay sa kanila paglipas ng panahon.
Ibig kasing sabihin, tumanim sa bata ang kanilang itinuro at ginawa nila ang kanilang home works.
Ngunit sa kalagayan ngayon ni Mrs. Arroyo na naka-hospital arrest sa ilalim ng gobyerno ng dati niyang estudyante, mauunawaan na natin siya kung hindi siya matuwa kay PNoy.
Dahil sa pagtupad ni PNoy sa kanyang pangako sa publiko na pananagutin ang mga nagkasala at inaakusahang nagpasasa sa yaman ng bayan, natural lang na may dapat makasuhan at makulong -- kahit pa ito’y dating tinatawag na Mam!
Sa isinulat ni Mrs. Arroyo, ilan sa nabigyan ng higit na pansin ay pagpuna sa pamamalakad ni PNoy sa larangan ng ekonomiya at pulitika subalit hindi napagtuunan ang anti-corruption drive kung saan unang nasampolan ito.
Ang “politics of division” ang kinakapital ni Mrs. Arroyo kaya’t bagsak ngayon ang ekonomiya ng bansa. Ikinumpara ni Mrs. Arroyo ang iniwang economic growth bago bumaba sa puwesto noong June 2010 na nasa 7.9% kumpara sa mahigit 3.2 % economic growth sa pagtatapos ng 2011 sa ilalim ng liderato ni Aquino.
***
Napag-usapan ang libro ni Mrs. Arroyo:
Ang tanong ni Uncle Douglas Diola ng Barangay III, Poblacion, Romblon, Romblon: Tama bang pagkumparahin ang dalawang administrasyon?
Si Mrs. Arroyo’y nasa puwesto sa loob ng mahigit 9 na taon, kumpara sa wala pang dalawang taon ni PNoy. Marahil, puwede pang pagbigyan ang pagkumpara ni Mrs. Arroyo kung ang paghahambingin nito’y ang huli niyang taon sa puwesto at gayundin kay PNoy.
Subalit sa 2016 pa magtatapos ang termino ni PNoy. Marahil, makagagawa lang si Mrs. Arroyo ng panibagong “economic paper” sakaling magtatagal pa siya sa kostudiya ng awtoridad.
Kung may mabuti mang sigurong naibunga ang kanyang “pagkakapiit”, ito’y ang pagkakaroon niya ng panahon na makapagsulat.
Ngunit ang iba pang tanong, totoo bang maganda ang lagay ng ekonomiya noong panahon ni Mrs. Arroyo? Dahil kung talagang maganda, bakit bagsak ang credit ratings noon ng Pilipinas sa mga dayuhang nagpapautang?
Bakit mataas ang antas ng kahirapan at mga walang trabaho na kayang bumuhay ng pamilya? Bakit marami pa rin ang umalis ng bansa at maging OFWs? Bakit sobrang laki ng budget deficit? At higit sa lahat, bakit sadsad sa ilalim ang popularidad ni Mrs. Arroyo.
Siguro kung ang dami ng alegasyon ng katiwalian at paglulustay sa pondo ng bayan ang magiging sukatan ng mahusay na takbo ng ekonomiya, siguro nga’y totoo. Ngunit sino ang nakinabang sa naturang paglago ng ekonomiya?
Silang mga dapat ilagay sa likod ng rehas na bakal kahit pa sabihin na ang kampanyang ito’y tawaging “politics of division”.
Sa pagpapairal ng “tuwid na daan”, dapat lang naman na magkaroon ng malinaw na paghahati sa kung ano ang mabuti at masama.
Walang dapat nasa gitna sa pagpapatupad ng tunay na reporma sa matinong pamamalakad sa pamahalaan na matagal na panahong hinintay ng bayan.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment