Monday, January 9, 2012




Kuwentas-Claras!
REY MARFIL

Inaasahang mapapadali ang pagpasa ng Freedom of Information (FOI) bill sa Kongreso na malaking tulong para magtuluy-tuloy ang transparency at accountability ng mga pinuno sa gobyerno kahit tapos na ang termino ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III.

Gaya ng kanyang pangako na irereporma ang pamamalakad sa gobyerno para maging maayos at malinis na pamamahala, nagbigay ng direktiba si PNoy na suportahan ang pagpasa ng FOI bill makaraan ang mga isinagawang pagrepaso sa mungkahi.

Sa pamamagitan ng naturang batas, mabibigyan ng karagdagang kapangyarihan ang publiko na makakuha ng impormasyon sa mga pinapasok na transaksyon ng gobyerno. Gayunman, nilag­yan ito ng limitasyon tungkol sa mga usapin ng national security at kung ang nakasalalay ay kapakanan ng higit na nakararami.

Ang pagsasabatas ng FOI bill ay magsisilbing magandang pamana ng Aquino government sa bayan dahil ilalatag nito ang mekanismo ng tuwid na daan. Ibig sabihin, kahit iba na ang nakaupong pangulo, mananatili ang bisa ng reporma maliban na lamang kung magiging malakas ang loob ng panibagong gobyerno at utusan muli ang Kongreso na magpasa ng panibagong batas para pawalang-bisa ang FOI.

Ang direktiba ni PNoy ay umani ng positibong reaksyon maging sa mga mambabatas na sumusuporta sa transparent government o gobyernong walang itinatago.

Katunayan, maaari na umanong isalang ang panukalang batas sa Pebrero.

***

Napag-usapan ang FOI at transparency, posibleng maantala ang pagpasa ng panukala dahil sa nakatakdang impeachment trial ni Supreme Court Chief Justice Renato Corona sa Senado kung saan magiging judge ang mga senador at tatayong tagausig ang mga kongresista.

Si Corona ay inaakusahan ng mga kongresista na hindi transparent sa kanyang mga ari-arian at kinikilingan ang dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Dahil dito, 188 kongresista ang pumirma sa impeachment complaint para siya mapatalsik sa puwesto.

Bilang ikaapat sa pinakamataas na opisyal sa Pilipinas, si Corona ay dapat magsilbing magandang huwaran sa publiko na ipakita na wala siyang inililihim.

Hinamon ng mga mambabatas si Corona na ilantad ang kanyang statement of asset, liabilities and networth (SALN) para makita kung talagang mayroon siyang hidden wealth. Pinaratangan ang punong mahistrado na may mamahaling condo na hindi isinama sa kanyang SALN.

Pero sa kabila ng hamon, mas pinili ng kampo ni Corona na manahimik at sa impeachment trial na lamang daw nila sasagutin ang alegasyon. Sinayang na pagkakataon para patunayan na mali ang mga paratang sa kanya.

Kung malihim si Corona, hindi sina Associate Justices Antonio Carpio at Maria Lourdes Sereno. Kapuri-puri ang ginawa ng dalawang mahistrado na kasama ni Corona sa SC dahil boluntaryo silang nagpakita ng kanilang SALN matapos hilingin ng ilang grupo.

Kung walang itinatago ang isang opisyal gaya nina Carpio at Sereno, natural lang na wala silang dapat katakutan. Kung malinis ang kanilang hangarin na magsilbi sa mamamayan, ipakikita nila ito sa publiko at hindi maghahanap ng kung anu-anong dahilan.

Sabagay, sa unang araw pa lang ni Corona bilang punong mahistrado ay natatakan na ito ng pagdududa. Kontrobersyal at inaakusahan na may iregularidad ang paghirang sa kanya dahil ginawa ito ni Gng. Arroyo na umiiral ang “appointment ban” dahil patapos na ang kanyang termino.

At ngayon, pati si Gng. Arroyo ay naka-hospital arrest dahil nahaharap sa mga kaso ng umano’y katiwalaan. At ang naging mahigpit na kalaban noon ni Corona sa posisyon bilang chief justice, walang iba kundi si Carpio.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: