Wednesday, January 25, 2012
Maraming good news!
REY MARFIL
Maraming good news noong nakaraang linggo, maliban kung bad news ang turing ng mga kritiko ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III sa multi-bilyong pisong kinita ng gobyerno sa Malampaya Deepwater Gas-to-Power Project kaya’t dinedma ang balita?
Sa kaalaman ng publiko, maganda ang kinita ng pamahalaan mula sa Malampaya Deepwater Gas-to-Power Project -- ito’y gagamitin para tustusan ang iba’t ibang mahahalagang proyekto ng pamahalaan.
Sa katunayan, tinanggap ni PNoy ang $1.134 bilyon mula kay Shell Philippines Country Manager Edgar Chua bilang kita ng pamahalaan nitong 2011, isang magandang balita dahil tiniyak ng administrasyong Aquino na makikinabang ang mga Filipino sa joint venture at asahang lalaki pa ang kikitaing pondo mula sa matalinong desisyon na muling mamuhunan para sa Phases 2 at 3 ng proyekto.
Puntirya ng bagong programa na makakuha pa ng mas maraming gas at mapahaba ang suplay dahil nangangahulugan ito ng mas malaking pakinabang ng mga Filipino.
***
Isa pang good news ang pasalubong ng apat na senador mula sa Estados Unidos (US) na mas malaking importasyon ng saging sa ating bansa.
Take note: Meron umiiral na parusang ipinataw sa Iran kung kaya’t hindi pinapapasok ang mga kalakal na labis na nakakaapekto sa mga nagtatanim ng saging sa bansa.
Matapos makipagkita kay PNoy, sumang-ayon rin sina US Senators John McCain, Joe Lieberman, Sheldon Whitehouse at Kelly Ayotte na magkaroon ng mas malakas na kooperasyong militar ang US at Pilipinas.
Nangangahulugan ito na talagang kasama sa prayoridad ng pamahalaan ang interes ng industriya ng saging sa bansa dahil 30% ng kabuuang mga iniluluwas na ani ang napupunta sa Iran na biglang natigil ngayon.
Hindi naman magkakaroon ng base militar sa pagpapalakas ng kooperasyon, ngunit inaasahang mapapabuti ang pagtiyak ng seguridad sa Asya-Pasipiko.
***
Ang pinaka-latest, pinatunayan sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS) na isinagawa nitong Disyembre 3 hanggang 7, 2011 ang maigting na pagsusumikap ng administrasyong Aquino na mapabuti ang antas ng kabuhayan ng mga pamilyang Filipino.
Lumitaw sa survey na patuloy na nababawasan ang bilang ng pamilyang Filipino na ikinokonsiderang mahirap ang kanilang mga sarili.
Natapyasan ng 1.3 milyong pamilyang Filipino ang dami ng mga naghihirap sa nakalipas na tatlong buwan matapos mairehistro na lamang sa 45% ng mga kinapanayam, katumbas ng 9.1 milyong pamilya ang ikinokonsiderang mahirap sila kumpara sa 52% o 10.4 milyong pamilya noong nakaraang Setyembre 2011.
Ito ang pinakamababa sa ilalim ng kasalukuyang gobyerno at nangangahulugang hindi matatawaran ang pagsusumikap ng administrasyong Aquino na maisulong ang pagkakapantay-pantay sa lahat ng bagay, lalo na ang hustisya at kaunlaran.
Asahan nating hindi titigil si PNoy sa implementasyon ng mga reporma para makamit ang pangarap ng bawat pamilyang Filipino na makaahon sa kahirapaan at masugpo ang katiwalian sa pamamagitan ng matinong pamamahala.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.”(mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment