Monday, December 28, 2015

Sana may forever din sa tigil-putukan REY MARFIL



Sana may forever din sa tigil-putukan
REY MARFIL



Nagdeklara ng 12-days ceasefire o tigil-putukan ang pamahalaan at New People’s Army (NPA) simula sa Disyembre 23, 2015 hanggang Enero 2, 2016. Magandang kasunduan na sana ay masunod para matuwa sa kanila si Santa Claus.
Taun-taon, parang Christmas party na tradisyon na ng gobyerno at NPA ang pagdedeklara ng ceasefire sa Holiday season para mapahinga naman ang garilyo ng kanilang mga armas. Kahit mga mandirigma ang mga sundalo at rebelde, tao pa rin sila at may mga mahal sa buhay na umaasang mabubuo ang kanilang pamilya sa ganitong panahon.
Iyon nga lang, kahit may ganitong deklarasyon ang magkabilang panig, taun-taon din ay nagkakaroon ng sumbungan dahil sa ilang insidente na nagkakaroon pa rin ng bakbakan. At kapag tinanong kung sino ang may kasalanan, para silang mga bata na nagtuturuan. At ‘yan ay hindi gusto ni Santa Claus.
Kung ceasefire, dapat ceasefire. Kung hindi maiiwasan na magkasalubong ang dalawang grupo sa isang masukal na daanan sa kabundukan o baryo, natural lang na magkagulatan at magkatutukan ng mga armas. Ngunit sa sandaling magkaalaman na mula sila sa magkabilang puwer­sa, aba’y dapat isigaw na na mayroong ceasefire at kailangang umatras na ang isa para maiwasan ang putukan.
Dapat may isa sa kanila ang maunang bumati ng Merry Christmas para maiwasan at tension. Pero siguro dapat ingatan ang sagot na pagbati ng Happy New Year dahil baka mapalakas ang sigaw at may magpaputok ng baril. Puwede rin siguro na lagyan ng maliit na parol o anomang simpleng Christmas décor ang mga baril ng mga sundalo at NPA para mapaalala sa kanila na Pasko ngayon at may umiiral na ceasefire?
Kung tutuusin, maganda ang timing nang pirma­han ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino III ang unilate­ral declaration of suspension of military operations (SOMO) laban sa NPA noong nakaraang linggo. Ang SOMO ang nagbibigay ng direktiba sa militar ng tigil-putukan dahil nataon ito sa panahon na katatapos lang manalasa ng bagyong “Nona”.
***
Dahil malaki ang naging pinsala ni “Nona” sa ilang lalawigan sa Visayas, Bicol at Luzon, nagdeklara rin si PNoy ng state of calamity upang mapabilis ang pagbibigay ng ayuda sa mga sinalanta. Mas mapapadali ang pagkakaloob ng suporta sa mga biktima ng kalamidad kung walang inaalalang mga rebelde na gagambala sa relief ope­ration ng gobyerno kaya magandang pagkakataon ang ceasefire agreement.
Iyon nga lang, ilang araw bago magkabisa ang deklarasyon ng ceasefire agreement, aba’y napabalita na mayroong military convoy sa Samar na nagsasagawa ng relief mission sa mga biktima ni “Nona” ang tinambangan ng mga hinihinalang NPA. Mabuti na lang at walang nasawi sa tropa ng gobyerno na may kasama pa namang mga sibilyan mula sa DSWD dahil nga sa isinasagawang humanitarian mission. Iyon nga lang, dalawang sundalo ang nasaktan na tinamaan ng bala mula sa mga nanambang.
Kung totoo na mga rebelde ang nasa likod ng natu­rang pananambang, sana ay nagkamali lang sila at hindi talaga nila sinadyang saktan ang mga trapo ng gobyerno na naghahatid ng tulong sa mga biktima ng bagyo. Malay nila, baka may mga kaanak sila na biktima rin ni “Nona” na kasamang matutulungan ng humanitarian mission na iyon.
Sa pagpapatupad ngayong taon ng tigil-putukan, wala sanang mangyaring paglabag at makita ng magkabilang panig ang kabutihan ng pananahimik ng baril. Nang sa gayun ay bumalik sa lamesa ang kanilang mga negosya­dor, nagtagayan ng serbesa habang pinag-uusapan ang pang-forever na ceasefire. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

No comments: