APECtibong usapan | |
REY MARFIL |
Hindi lang pagpapalakas ng ugnayang panlabas ng Pilipinas sa 21 lider ng iba’t ibang bansa ang naging bunga ng nakaraang Asia-Pacific Economic Cooperation o APEC Meeting na ginanap kamakailan dito sa atin sa Maynila.
Bagaman ang pagpapalakas ng ekonomiya sa lahat ng bansang miyembro ng APEC ang pakay ng pagpupulong, naging pagkakataon din ito ng Pilipinas na mapatatag ang diplomatiko nitong relasyon sa ibang economic leaders at magkaroon ng bilateral agreement o kasunduan ng bansa sa bansa lamang.
Gaya ng pakiusap at naging paliwanag noon ng pamahalaang Aquino, makatutulong sa Pilipinas sa pangmatagalan ang magiging resulta ng APEC meeting sa harap ng mga kritisismo sa ilang araw na trapik at gastos na umabot sa P10 bilyon.
Pero dati na ring ipinaliwanag ng mga namahala sa APEC na ang pondong ginugol sa APEC ay hindi ginamit ng isang bagsakan lang.
Sa halip, ginamit ito sa halos isang buong taon ng preparasyon kasama na ang mga paghahanda, empraestruktura at mga naunang mga pulong na ginawa upang mabuo ang pangkalahatang pakay ng pag-uusapan at aaprubahan ng mga economic leader.
Bukod diyan, ang ginastos sa paghahanda at pagdaraos ng APEC ay dito sa loob ng bansa napunta.
Kaya kung tutuusin nga naman ay umikot lang sa sirkulasyon ng merkado ang pondo at nakatulong pa sa panloob na ekonomiya ng Pilipinas.
At batay sa impormasyon na ipinalabas ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Labor and Employment (DOLE), maliban sa resulta ng pangunahing agenda ng APEC na para sa lahat ng miyembrong bansa, nakapagsara rin ng mga “bilateral agreement” ang Pilipinas sa ilang bansa na dumalo na maaaring magdulot ng bagong negosyo sa Pilipinat at mga bagong trabaho.
Ang mga bansa na nagkaroon ng bilateral meetings ang Pilipinas at nakapagtukoy ng mga posibleng pagmulan ng mga bagong pamumuhunan ay ang Australia, Japan, Korea, Mexico, New Zealand, Peru, Papua New Guinea, Russia at Amerika.
***
Para sa kaalaman ng mga kababayan natin, ilan sa mga bansang ito ay nakakapagpadala na tayo ng produkto tulad ng mga agrikultura, semi-conductor at iba pa.
Mayroon din tayong mga kababayan na nagtatrabaho sa kanila. At dahil sa pinasiglang relasyon natin sa kanila, asahan na mananatili ang pagpapadala natin ng mga produkto sa kanila at posibleng madagdagan pa.
Kaya naman kung tuluyang tataasan pa ang ini-export natin sa kanila, ang ibig sabihin nito ay dadami ang produkto na kailangan gawin, na ang resulta ay dagdag na tao na gagawa, na magbubunga naman ng dagdag na trabaho.
Ang ibang bansa gaya ng Australia, posibleng pumasok daw sa atin ng mga food and agri-business, business processing at information technology, engineering services, manufacturing, auto parts export at iba pa.
Ang Amerika na pangunahing trade partners natin, posibleng dagdagan pa ang kanilang pinupuhunan sa IT-BPM sector, food manufacture, electronics manufacturing, mga paggawa ng energy products, pharmaceuticals at maging sa aerospace products, at iba pa.
Dahil din sa bumubuting ugnayan natin sa Japan, mapapadali na ang pagproseso ng mga rekisitos upang makapamasyal sa Japan. Bukod pa sa posibilidad na kumuha pa sila ng dagdag na Pinoy na papayagan na makapagtrabaho sa kanila.
Maging ang Korea at New Zealand ay nagpahayag ng intensyon na palakasin ang kanilang kalakalan at pagsuporta sa Pilipinas.
Maliban sa biyayang makukuha ng Pilipinas sa resulta ng naisarang kasunduan sa pangunahing pagpupulong ng APEC at mga napagkasunduan sa bilateral talks, inaasahan din na nakatulong ang APEC meeting para mai-promote ang Pilipinas.
Kapag nangyari ang lahat ng ito, sadyang APECtibo ang pag-host ng atin ng APEC at masuwerte ang susunod na administrasyon. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”
(Twitter: follow@dspyrey)
No comments:
Post a Comment