Monday, December 7, 2015

Huwag maging pasaway REY MARFIL


Huwag maging pasaway
REY MARFIL



Sa pag-ibig, may kasabihang age doesn’t matter; pero sa mga pasaway at walang ingat sa kamunduhan, aba’y HIV-AIDS does matter kaya malalagot ka.
Kaugnay ng paggunita ng World AIDS Day ngayong Disyembre, lumilitaw na hindi maganda ang datos ng Pilipinas para mabawasan ang tumataas na kaso ng HIV-AIDS (human immunodeficiency virus-acquired immune deficiency syndrome) sa mga Pinoy.
Batay sa impormasyon mula kay Health Secretary Janette Garin, sinabi nito na ngayong 2015 ay tinatayang isang Pinoy ang nakakakuha ng nakamamatay na virus sa bawat isa’t kalahating oras. Hindi lang ‘yan, bumabata rin ang mga nahahawahan ng virus.
Aminado ang kalihim na nakakaalarma na ang sitwasyon dahil noong pumasok ang taong 2000, nasa isang kaso ang naitatala sa bawat tatlong araw, malayong-malayo na pinakabagong datos ngayong 2015.
Mula Enero hanggang Oktubre ngayong 2015, nasa 6,552 Pinoy ang nagpositibo sa HIV. Lubhang malaki na ito sa 174 na naitalang kaso sa kabuuang taon ng 2001. At kung hindi mapipigilan ang pagiging pasaway ng mga kababayan natin, pinapangambahan ng mga eksperto na aabot sa 133,000 ang kaso ng HIV sa susunod na anim na taon.
Marahil ang nasa isip ng iba, hindi naman maitutu­ring epidemic sa kabuuan ng populasyon ang HIV-AIDS dahil may partikular na sektor lang ang apektado nito -- ang mga lalaking nakikipagtalik sa kapwa lalaki, ang mga nagdodroga na gumagamit ng injection at mga taong hindi makontento sa isang partner.
***
Pero saan ba nagsisimula ang malaking problema? Hindi ba sa maliit? Bagaman may partikular na sektor ang apektado ng patuloy na pagdami ng nagtataglay ng nakamamatay na virus, dumarami rin ang lugar sa Pilipinas na mayroong naitatalang kaso nito.
Batay sa pag-aaral ng mga dalubhasa, nasa 14,000 katao ang tukoy na may HIV sa Pilipinas at pinaniniwalaan na mas mataas pa ang naturang bilang dahil marami ang hindi nagpapa-HIV-AIDS test. Hindi sila nagpapasuri dahil sa maaaring hindi nila alam na nahawahan na sila ng virus, o natatakot silang malaman ang katotohanan na mayroon na silang virus.
Ang problema sa problemang ito, kahit hindi nagpasuri ang taong may virus, tiyak na patuloy siyang makikipagtalik at maipapasa sa iba ang virus. At sa panahon ngayon na dumarami ang lalaki na nakikipagtalik sa kapwa lalaki at maging sa babae, hindi malayong mangyari ang pangamba ni Sec. Garin.
Bagaman may partikular na sektor ng lipunan na tinatamaan ng HIV-AIDS, hindi dapat balewalain ang problema dahil nga sa kumakalat ito sa buong bansa. Ayon pa rin sa mga dalubhasa, 70 lungsod at bayan ang dapat tutukan ng atensyon para mapababa ang insidente ng HIV-AIDS kabilang na ang Metro Manila, Cebu, Davao, Angeles.
Sa tagal na rin ng ginagawang pagpapakalat ng impormasyon ng pamahalaan tungkol sa virus na ito, siguro naman ay sapat na ang kaalaman ng marami na nakukuha ang HIV-AIDS sa pakikipagtalik, paggamit ng kontaminadong karayom sa bakuna at pagsasalin ng dugo na kontaminado rin ng virus.
Kung sadyang pasaway, maging maingat na lang at gumamit ng proteksyon; kung talagang walang ingat, magpasuri na lang sa mga government hospital dahil libre ito at isisikreto ang resulta ng pagsusuri.
Baka kailangan na ring mag-isip ng bagong taktika ang pamahalaan at mga organisasyon upang labanan ang virus. At marahil ang isang paraan nito ay kumbinsihin ang pinakalantad na sektor sa HIV-AIDS na tanggapin nila ang kinakaharap na panganib upang sila mismo ang maghahatid ng mensahe at impormasyon sa kanilang mga kasama sa “federacion”. .Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

No comments: