Friday, December 11, 2015

Huling hirit! REY MARFIL



Huling hirit!
REY MARFIL



Sa huling pagkakataon, inilapit ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa mga mambabatas ang kahalagahan na maipasa ng Kongreso ang Bangsa­moro Basic Law (BBL) para sa kapayapaan at kaunlaran ng Mindanao. Ngayon, nasa kamay na ng mga mambabatas ang buhay ng nabanggit na mahalagang panukalang batas na may epekto rin sa buong bansang Pilipinas.
Habang papalapit ang pagtatapos ng 2015, lalo ring umiiksi ang tiyansa na maipasa pa at maging batas ang BBL na bahagi ng usapang pangkapayapaan ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front (MILF). Hanggang Disyembre 16 na lang kasi ang sesyon ng Kongreso para sa isang buwan nilang Holi­day break.
Pagbalik naman ng sesyon sa Enero 2016, magsisimula na rin ang kampanya ng mga tatakbo sa halalan para sa Mayo kaya wala na ring magagawa ang mga mambabatas. Dahil dito, sa huling pagkakataon ay nakipagpulong si PNoy sa mga mambabatas kamakailan sa Palasyo upang ipaliwanag sa kanila ang pangangailangan na maipasa ang BBL.
Hindi naman lingid na bahagi ang BBL sa isinusulong na usapang pangkapayapaan ng pamahalaan sa dating rebeldeng grupo ng mga Muslim na MILF. Dahil ito sa pagtitiwala nila sa sensiridad ng administrasyong Aquino na hanapan ng lunas ang problema ng kahirapan at kaguluhan sa Mindanao.
Kung tutuusin, mula nang magkasundo ang MILF at Philippine peace panel, nabawasan ang mga engkuwentro sa Mindanao. Dahil sa katahimikan, malaki ang naging pag-unlad sa Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM) sa ilalim ng liderato ni Gov. Mujiv Hataman at dumami na ang mga dayuhan na namumuhunan.
Pero ano ang mangyayari sa usapang pangkapa­yapaan sa MILF at sa katahimikan sa Mindanao kapag natapos ang termino ni Aquino sa Hunyo 2016, na walang naipatupad na BBL? Maging si Hataman ay batid ang kahalagahan ng BBL. Kahit maapektuhan siya nito bunga ng bagong political entity na bubuuin na ipapalit sa ARMM ay suportado niya ang panukalang batas.
Dahil na rin ng banta ng terorismo na kayang idu­lot ng Islamic State of Iraq and Syria o ISIS, hindi maaalis na baka may mga magsamantala sa hindi pagkakapasa ng BBL upang manghikayat ng mga taga-Minda­nao at mangalap ng suporta para sa ISIS.
Ayon nga kay Presidential Communications Ope­rations Office (PCOO) Sec. Herminio Coloma, Jr., kabilang sa mga nabanggit ni PNoy sa pakikipagpulong nito sa mga mambabatas ang tumataas na banta ng “global terrorism and radicalization”. Kaya naman daw hinikayat ng punong ehekutibo ang mga mambabatas na huwag palampasin ang makasaysayang pagkakataon na ipasa ang BBL.
May ibang nagsasabi na gahol na ang panahon para maipasa ang BBL at makabubuting ipaubaya na ito sa susunod na administrasyon. Pero sino ang makatitiyak na pagkakatiwalaan din ng MILF ang susunod na liderato? Papaano kung hindi nila makasundo ang susunod na pangulo? May kasabihan na kung ano ang maaaring gawin ngayon, huwag nang ipagpabukas. 
Kung ang BBL ang makatutulong para mabawasan kung hindi man tuluyang matigil ang kaguluhan at kahirapan sa Mindanao, bakit hindi pa ito ipasa ngayon habang may panahon pa? Ano pa ang kailangang hinta­yin gayung lumabas naman sa mga pag-aaral na may ligal na basehan at naaayon sa Saligang Batas ang BBL.
Dahil sa nakita ng European Union na sinsero ang PNoy government at liderato ng MILF na makamit ang kapayapaan ay Mindanao, itutuloy pa rin nila ang pagkakaloob ng P275 milyong ayuda para sa peace and deve­lopment sa rehiyon, matuloy man o hindi ang BBL. Sana makita rin ng mga mambabatas ang malaking potensiyal na naghihintay para sa kapayapaan at pag-unlad ng Mindanao kung mayroong BBL. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

No comments: