May Pamasko! | |
REY MARFIL |
Nagsimula nang magbigay noong nakaraang Disyembre 10 ng Christmas cash gifts ang Government Service Insurance System (GSIS) para sa 235,180 pensiyonado na nagkakahalaga ng P2.6 bilyon.
Magandang balita ito na bahagi ng prayoridad ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa kanyang matuwid na daan kung saan mas malaki nang walong porsiyento ang nasabing alokasyon para sa disability at old-age pensioners kumpara sa P2.4 bilyon noong nakaraang taon na inilaan ni GSIS president and general manager Robert G. Vergara.
Mula sa cash gifts na P10,000 na nakuha ng mga pensiyonado noong nakalipas na taon, makakakuha sila ng isang buwang pensiyon na hindi hihigit sa P12,600.
Sa mga nakakuha naman ng cash gift benefits na P10,000 o mas mababa noong 2014, makakakuha ang mga ito ng isang buwang pensiyon na hindi hihigit sa P10,000 ngayong taon.
Makakatanggap naman ng pinakamataas na P10,000 ang bawat retirado na kumuha ng limang taong lump-sum benefit at naging pensiyonado matapos ang Disyembre 31, 2014.
Hindi rin pinabayaan ni PNoy maging ang mga pensiyonado na naninirahan sa ibang bansa at nasa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) na nasa suspended status hanggang Disyembre 31, 2015.
Makakatanggap rin sila ng benepisyo kung magsisimula silang mag-activate ng status na hindi lalampas sa Abril 30, 2016 at makukuha ang cash gift bago sumapit ang Mayo 31, 2016.
Batid ni PNoy ang kahalagahan na magkaroon ng sapat na suporta ang mga retirado lalong-lalo ngayong nalalapit na ang Pasko.
***
Kapuri-puri ang positibong tugon ng mga mambabatas sa panukala ni PNoy na itaas ang suweldo ng 1.5 milyong kawani sa pamahalaan.
Sa botong 170 kontra lima at isang abstention, inaprubahan na ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang apat na taong “Salary Standardization Law of 2015” o SSL 2015 na popondohan ng P226 bilyon.
Sa ilalim ng House Bill (HB) No. 6268 o SSL 2015, itataas ang suweldo ng mga kawani ng pamahalaan alinsunod sa klase ng kanilang posisyon.
Bukod dito, magandang balita rin na kasama sa benepisyo ng panukala ang 14th month pay sa porma ng mid year bonus. Hindi rin bubuwisan ang 14th month pay na benepisyo at maging ang performance-based bonus para sa Salary Grades 1 to 11 na kumakatawan sa 606,000 na mga kawani o 52 porsiyento ng 1.5 milyong empleyado ng pamahalaan.
Pinupuri natin ang mga mambabatas lalong-lalo na ang nga awtor ngumento sa suweldo sa ilalim ng HB No. 6268 na sina Speaker Feliciano ‘Sonny’ Belmonte, House Majority Leader at Mandaluyong City Rep. Neptali ‘Boyet’ Gonzales II, Davao City Rep. Isidro Ungab, chairman ng House committee on appropriations, House Minority Leader at San Juan City Rep. Ronaldo Zamora at Romblon Rep. Eleandro Jesus ‘Budoy’ Madrona, chairman ng House committee on accounts.
Nakapaloob ang P57.9 bilyong pondo na kakailanganin sa umento sa suweldo sa ilalim ng 2016 P3.002-trilyong General Appropriations Bill (GAB).
Batid ni Pangulong Aquino ang malaking benepisyo na maibibigay sa pamilya ng bawat kawani ng pamahalaan kaya naman naging prayoridad nito ang umento sa kanilang suweldo.Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
No comments:
Post a Comment