Wednesday, December 16, 2015

Last two minutes REY MARFIL




Last two minutes
REY MARFIL


Ilang linggo na lang ay matatapos na ang 2015. At pagkaraan nito ay anim na buwan na lang ang bibilangin sa pananatili ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino bilang ‘team leader’ ng ‘daang matuwid’ na lumalaban para kaunlaran ng bayan.

Sa isang survey ng Social Weather Station (SWS) noong nakaraang Setyembre 2-5, na mayroong 1,200 adult respondents, higit na marami ang nagsabi (39%) na maaga pa raw para sabihin kung naging matagumpay na lider ng bansa o hindi si PNoy.

Sa nasabi pa ring survey, 35% ng respondents ang nagpahayag ng paniniwala na magiging matagumpay na lider si PNoy; habang 26% naman ang nagsabi na sa tingin nila ay hindi siya magiging matagumpay na lider.

Dahil dito, nagkamit si PNoy ng net rating na positive 9, na bahagyang mataas sa positive 8 na nakuha niya noong Hunyo 2014.

Tandaan na Setyembre ginawa ang survey at pagkaraan ng tatlong buwan, malamang na nagbago na ito. Maaaring nadagdagan ang nagsasabing magiging magumpay na pangulo si PNoy at maaari rin naman na ang madagdagan ang mga magsasabing hindi.

Ngunit kung pagbabatayan ang patuloy na pagiging matatag ng ekonomiya ng bansa sa taong ito, masasabing patungo na sa panalo ang laban ng team ‘daang matuwid’ ni PNoy. Maipapasa niya sa susunod na ‘team leader’ pagkatapos ng 2016 presidential elections na nasa maayos na kalagayan ang koponang ‘daang matuwid’.

Taliwas sa nangyari noong 2010, kung saan malaki ang problemang inabutan ni PNoy sa gobyerno nang maupo siya sa MalacaƱang, ngayon ay masasabing mapalad ang susunod sa kanyang team leader. Kung noon ay puro ‘negative’ ang credit rating na inabutan ni PNoy mula sa mga international financial institution, aba’y ngayon ay puro ‘positive’ na ang aabutin ng susunod na Pangulo dahil naibalik na ni Aquino ang kompiyansa ng mga dayuhang namumuhunan.

Inabutan din ni PNoy ang malaking problema sa transportasyon dahil sa mga napabayaang mass transport system at kawalan ng proyekto para malunasan ang mabigat na daloy ng trapiko. Aba’y ngayon ay halos sabay-sabay na ginawa na ang mga proyekto na matatapos sa ilalim ng susunod na administrasyon. Kabilang sa mga proyektong ito ang pag-uugnay ng North at South Expressway, pagbili ng mga bagong bagon sa MRT at mga karagdagang linya ng LRT.

***

Kung si PNoy ang nasisi sa problema ng pagbaha sa Metro Manila dahil din sa inabutan niyang problema mula sa nakaraang liderato, ngayon ay ginagawa na rin ang ekstensibong anti-flood project na matatapos din sa susunod na taon.

Dahil maganda ang ekonomiya, maganda rin ang datos sa bilang ng mga may trabaho. Batay sa ulat ng Labor Force Survey (LFS) ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa Oktubre, bumababa sa 5.6% ang unemployment rate, na pinakamababa mula noong Abril 2005.

Ayon kay National Economic Development Authority (NEDA) Sec. Arsenio Balisacan, maganda ang taong 2015 sa usapin ng trabaho dahil nahigitan ang inaasahan na bilang ng unemployment rate na hanggang 6.8% na nakasaad sa Philippine Development Plan target. Bunga raw ito ng mabilis na paglago sa services and industry sectors. 

Ilan lang ito sa mga positibong nangyari sa bansa mula nang maging team leader ng ‘daang matuwid’ si PNoy at napanatili niya ang mga reporma at pagbabago hanggang sa pagtatapos ng taong 2015 -- patungo sa pagpasa niya ng koponan sa 2016.

Marahil ay naniniguro lang ang 39% ng mga respondent sa September survey ng SWS kaya hindi pa sila makapagdesisyon at hindi pa nila masabi noon na magiging matagumpay na lider ng bansa si PNoy.

Pero ngayon na ilang linggo na lang ay tapos na 2015, at konting kembot na lang ay 2016 na at may bago na tayong lider, puwede nang sabihin na tagumpay si PNoy batay na rin sa malaking pagbabago na nagawa niya at ginagawa pa para sa kaunlaran ng bansa...
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey