Ang ‘V20’ at ang climate change | |
REY MARFIL |
Isang mahalagang pagpupulong ang dinaluhan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa Paris tungkol sa usapin ng climate change na nagbabanta ngayon sa kaligtasan ng mga mamamayan sa 20 bansa na kung tawagin ngayon ay Vulnerable 20 (V20) -- kabilang ang Pilipinas.
Sa 21st Conference of the Parties (COP21) sa Paris na dinaluhan din ng mga lider mula sa may 150 bansa, binigyan-diin ni Aquino ang kahalagahan na maisulong ang mga hakbang para mabawasan ang carbon emission na nagpapainit sa mundo, lalo na ng mga industriyalisadong bansa na katulad ng Amerika at China.
Kung tutuusin, hindi patas ang laban pagdating sa climate change. Kung sino kasi ang mga bansang pangunahing pinagmumulan ng carbon emission, sila itong yumayaman at hindi kaagad nanganganib sa epekto ng climate change. Samantalang ang maliliit na mga bansang katulad ng Pilipinas, maliit lang ang kontribusyon sa pagpapainit ng mundo pero matinding naapektuhan ng mga kalamidad dulot ng pagbabago ng panahon.
Kasama ng Pilipinas sa V20 group ang Afghanistan, Bangladesh, Barbados, Bhutan, Costa Rica, Ethiopia, Ghana, Kenya, Kiribati, Madagascar, Maldives, Nepal, Rwanda, Saint Lucia, Tanzania, Timor-Leste, Tuvalu, Vanuatu at Vietnam.
Sa talumpati ni PNoy sa pulong, inihayag niya sa ibang mga lider ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagkilos upang mabawasan ang pagbuga ng carbon upang mabawasan din ang pag-init ng mundo.
Habang umiinit ang mundo, tumitindi ang mga kalamidad tulad na lang ng bagyong Yolanda na tumama sa atin sa Pilipinas.
***
At kahit na maliit tayong bansa, maliit ang pondo at maliit ang kontribusyon sa pagpapainit ng mundo, ipinaliwanag ni PNoy ang ginagawang hakbang ng pamahalaan para tugunan ang problema ng global warming. Kabilang dito ang ibayong re-greening program na sinimulan ng pamahalaan noong 2011. Target ng programa na makapagtanim ng 1.5 bilyong puno pagsapit ng 2016.
Kapag nagawa ito, hanggang 30 milyong tonelada ng carbon ang kayang tanggapin ng mga puno bawat taon. Sa ngayon, idineklara ng Food and Agriculture Organization ng United Nations na kabilang ang Pilipinas sa limang pangunahing bansa sa mundo na may mahusay na pagpapalago ng gubat batay sa kanilang Global Forest Resources Assessment for 2015.
Kasama rin sa programa ng pamahalaan sa paglaban sa global warming ang kampanya laban sa illegal logging, pagsusulong ng renewable energy mix, pagbawas sa carbon emission at pagpapatupad ng mga patakaran at mga batas para harapin ng problemang pangkalikasan at iba pa.
Kung seryoso rin kasing tutugon ang iba pang bansa -- lalo na ang mga mauunlad na bansa na pinakamalaking mag-ambag sa pag-init ng mundo -- maaari rin nilang gawin ang mga ginagawa natin sa Pilipinas. Dapat lang nilang isipin na tao rin na kailangang mabuhay at sagipin ang mga mamamayan sa V20.
Maliban sa mga hakbangin na dapat gawin upang mabawasan ang carbon emission, kasama rin sa isinusulong ng V20 ang pagkakaroon ng pondo para sa mga programa para labanan ang global warming at pang-ayuda sa mga bansang masasalanta ng kalamidad na may kaugnayan sa climate change.
Tulad ng naranasan ng Pilipinas sa matinding pinsala na iniwan ni Yolanda, malaking pondo ang kakailanganin upang makabangon muli ang mga mamamayan ng isang maliit na bansa babayuhin ng malakas na bagyo; ‘yan ay kung hindi pa huli ang lahat at hindi pa lubos na nilalamon ng dagat ang isang lugar bunga ng pagtaas ng dagat dahil din sa global warming.
Gaya ng pag-amin ng ibang lider na dumalo sa COP21, narito na sa harap ng mundo ang banta ng kalamidad bunga ng climate change. Kaya dapat magkaisa ang lahat at isipin ang kapakanan ng mga maliliit na bansa na lantad sa peligro ng pag-init ng ulo ng Inang Kalikasan.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
No comments:
Post a Comment