Friday, December 18, 2015

Kamay na bakal sa lansangan REY MARFIL


Kamay na bakal sa lansangan
REY MARFIL



Bukod sa dagdag na mga kalsada at iba pang uri ng daanan ng mga sasakyan, may isa pang kailangan gawin ang pamahalaang lokal at nasyunal para maisaayos ang daloy ng trapiko sa Metro Manila. Ito ay ang kamay na bakal sa pagdisiplina sa lansangan.
Sa totoo lang, kawawa naman si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na laging sinisisi ng mga kababayan na­ting naiipit sa trapiko -- hindi lang sa EDSA kung hindi maging sa iba pang pangunahing lansangan. Aba’y kahit saan naman yata ngayon ay problema na ang trapik. Pero hindi lang ito dahil sa dami ng sasakyan kung hindi dahil sa kawalan ng disiplina ng mga drayber at kung minsan ay maging ng mga pasahero.
Kahit si Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) Director Chief Supt. Arnold Gunnacao, na inatasan ni PNoy na tumulong na sa pagmando ng trapiko sa EDSA at sa ilang kritikal na lugar na konektado rito, ay naniniwalang isa ang kawalan ng disiplina ng mga motorista ang dahilan ng pagbigat ng daloy ng trapiko.
Kung hindi ba naman ubod ng pasaway ang mara­ming motorista, mantakin mong kailangan pa ngayon na mag­lagay tayo ng sangkaterbang plastic barrier para maihiwalay lang ang mga sasakyan na dapat maghiwalay; at hindi lumusot ang mga mokong na drayber sa linya na hindi naman nila dapat lusutan.
Bato-bato sa langit, ang tamaan sapul; gaya na lang ng mga drayber ng mga pampasaherong sasakyan -- mapa-jeep, bus, taxi, UV Express at kung anu-ano pa, ugali ng mga ito na magmenor kapag naka-green ang traffic light para titiyempuhan nila na mag-red upang makapagsakay sila ng pasahero sa mismong kanto. Wala silang pakia­lam sa ibang sasakyan na nasa likod nila na maabala nila sa ginawa nilang pagbagal ng takbo. 
Ang mga wala namang disiplinang mga pasahero, bababa sa kung saan nila gustong bumaba at sasakay sa lugar na alam nilang bawal. Aba’y dapat yatang lagyan ng lazer beam ang mga karatula ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) atlocal government units (LGUs) na “no loading and unloading anytime” para iyong mga pasaway na pasahero at tsuper ay bigla na lang tatamaan ng lazer at malilipat sila sa loob ng SBMA na sobrang higpit ang disiplina sa kalye.
***
Bukod diyan, kasama sa masamang ugali ng mga drayber -- mas marami sa mga pampublikong sasakyan at mga trak, na sa mga “crossing” na kalsada, kahit nakikita na nila na barado na ang kabilang dulo ng kalye ay isasaksak nila ang kanilang sasakyan. Gagawin nila iyan kahit na barahan nila ang kabilang linya at hindi makadaan ang ibang sasakyan kahit maluwag sa kanila nilang dulo dahil nakabara ang sasakyan ng mga buraot na drayber.
Sa isang panayam kay Gunnacao, tama siya na dapat magsimula sa mga motorista ang disiplina sa kalye para maisaayos ang problema sa trapiko. Walang saysay ang mga isinasagawang proyekto at programa ngayon ni PNoy na pakikinabangan ng susunod na administrasyon para maibsan ang bigat sa trapiko kung magpapatuloy naman ang busangot na ugali ng mga motorista lalo na ang drayber ng mga pampublikong sasakyan. Pero dahil na­ging bahagi na yata ng kultura ng mga motorista ang pagiging pasaway sa kalye, kamay na bakal ang kailangan para maipatupad ang desiplina. Hindi na dapat hayaan ang pakamot-kamot ng ulo nila at pakiusap kapag sinisita.
Bakit ang SBMA kinatatakutan ng mga motorista? Kasi mahigpit nilang ipinatutupad ang disiplina at tiyak na “tiket” ang aabutin nila kahit simpleng pagkakamali. Ito ang dapat ipatupad sa lahat ng pangunahing kalye sa Metro Manila -- hindi lang sa EDSA at hindi lang ng pamahalaang nasyunal kung hindi maging ng lokal na pamahalaan, hanggang ng barangay. 
Dapat “tikitan”, “pagmultahin” at kung kailangan ay “alisan ng lisensya” ang lahat ng mga pasaway na drayber para matuto uli sila ng salitang “disiplina sa kalsa­ngan”.  Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)


No comments: